RAPIDO NI TULFO
DOUBLE time na naman sa pagtatrabaho ang mga scammer ngayong papalapit na ang Pasko.
Kamakailan ay nagkaproblema ang digital app na Gcash kung saan maraming kliyente nito ang nawalan ng kanilang iniingatang pera, online. Hindi naman nagpaliwanag ang Gcash sa nangyaring ito at puro pangako na mag-iimbestiga sila. Ang tanong may mga naibalik na bang pera sa mga nawalan?
Budol din ang style ngayon ng karamihan ng mga online shopping app. Madalas ay ibang produkto ang ipinadadala ng mga ito sa kanilang customer. Hangga’t maaari kung bibili kayo ng mga mamahaling gadget o gamit ay mas magandang bumili na lang kayo sa mismong bilihan kung saan personal n’yong makikita ang bibilhin n’yo at matse-check kung ito’y may problema.
May mga reklamo rin kaming natanggap ngayon sa mga courier rider. Ayon sa reklamo, binayaran na umano ng sender ang delivery fee pero sinisingil pa siya ng rider pagdating sa kanya. Nang i-check niya ang app saka lang niya nakitang bayad na ang delivery fee. Palusot umano ng rider, hindi raw niya alam na bayad na. Sinusubukan umano ng rider na makasingil ng dalawang beses.
Kaya ngayong nalalapit na ang kapaskuhan ay mag-ingat sa mga mapagsamantala. Tandaan, hindi kayo mabibiktima kung kayo ay alisto. Mas utakan niyo ang mga scammer upang hindi kayo mabiktima.
51