SEKYU SA SM NORTH HINDI SAPAT ANG SIBAK

BISTADOR ni RUDY SIM

HALOS madurog ang puso ng karamihan sa netizens sa buong mundo partikular sa ating bansa, nang lumabas sa social media ang video kung paano pinagbabaril hanggang sa mapatay nang walang kalaban-laban ang dalawang aso na American Staffordshire Terrier breed sa East London sa UK, sa kamay ng Metropolitan police.

Dahil sa maling sumbong ng isang babae na siya ay inatake ng dalawang pet dog, ay harap-harapang binaril ang dalawang kaawa-awang aso na pinangalanang sina Marshall at Millions habang hawak ang mga ito ng kanilang owner na si Louie Turnbull na walang permanenteng tirahan.

Ngunit sa video ay makikitang wala sa “attack mode” ang dalawang aso na parehong kalmadong pinagmamasdan ang babaeng nagsisigaw habang ang mga ito ay hawak ng owner na pawang naka-leash.

Dahil sa malagim na nangyari at paglabas ng ebidensya na walang kasalanan ang dalawang napatay na aso ay nagulat at galit ang isinisigaw ng netizens na dapat magkaroon ng katarungan sa nangyari.

Isa na ang ating bansa sa maraming nasaktan at nalungkot sa pangyayari, dog lover man o hindi ay nagkaisang nag-share ng post upang hindi na ito maulit.

Hanggang ito lamang nakaraang linggo ay nangyari ang kalupitan sa isang tuta pa lamang na aso na sana’y nagsisimula pa lamang sa kanyang buhay, na nagpapasaya sa isang batang musmos na ang nais lamang ay ipasyal ang kanyang alaga sa SM North.

Kaawa-awa ang sinapit ng isang tuta sa kamay ng isang walang hiyang security guard nang ihagis nito ang aso mula sa footbridge upang takutin ang mga bata na masayang naglalaro kasama ng kanilang aso. Ang tuta ay agad na itinakbo sa pinakamalapit na beterinaryo ng mga nagmalasakit ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa injury.

Agad na kinompronta ng mga nakakita ang guard ng RJC security agency na nakilala lamang sa kanyang name plate na si Malicdem J.S., ngunit tila hindi pinagsisihan nito ang kanyang ginawang kalupitan sa aso at nagsabi pa umano na wala itong pake sa nangyari na mas lalo pang ikinagalit ng netizens.

Ang paghuhugas-kamay ng RJC security agency na nagsabing agad umanong sinibak ang kanilang sekyu, ay hindi sapat upang maturuan ito ng leksyon. Ang buhay ng aso ay hindi matatawaran, may lahi man o wala ay parehong dapat bigyan ng kalinga at pagmamahal kagaya rin ng kanilang ibinibigay sa atin.

Paglabag sa Republic Act 8485 o “Animal welfare act of 1998” ang dapat isampa kay Malicdem upang panagutin ito sa nangyari para makatikim ng rehas. Kahit pa bawiin ang lisensya nito ay hindi sapat, sigaw ng netizens.

255

Related posts

Leave a Comment