DALAWANG libong taon, tila nakalimutan na ng sangkatauhan ang pag-aalay ng buhay ni Hesukristo sa hangaring tubusin ang pagkakasala natin. Patunay nito ang patuloy na pangingibabaw ng poot, inggit, kasakiman at pagiging makasarili.
Wala na rin pagsidlan ang kakuntentuhan ng tao sa kapangyarihan, kaalaman at mga materyal na bagay. Hindi na rin marahil magawang magpasalamat sa mga biyayang tinatamasa.
Ang totoo, ‘yun lang isinilang tayo sa mundo ay isa nang biyaya, bagay na hindi kailanman dapat mawaglit sa ating isipan.
Sa pagsipa ng Semana Santa, higit na angkop ang pagninilay. Kilalanin ang sarili. Bilangin ang biyaya. Makuntento sa kung anong mayroon ka. Mahalin ang iyong kapwa.
Sa pagiging inggitero, ganid at materyoso, lahat nang kasamaan nagagawa – pagnanakaw, panlalamang sa kapwa hanggang sa pagkitil ng buhay. Sa pagiging makasarili at uhaw sa kapangyarihan, isasakripisyo pati mga kapwa tao. Dahil sa poot, nakalilimutan ang pagiging makatao.
Bakit nga ba tayo nasisiphayo sa kasalanan? Marahil, ganun talaga ang tao – marupok.
Subalit hindi sapat na dahilan ang kahirapang dinaranas at pagiging marupok natin para gumawa ng bagay na lubhang ikasasama at ikapapahamak ng ating kapwa. Higit lalong walang dahilang manlamang ng kapwa kung ikaw naman ay sagana.
Minsan tuloy napapaisip ka – maigi pang wala na lang materyal na yaman sa mundo.
Kung sisilipin ng mga nakaririwasa ang buhay ng mga tunay na maralita, mapagtatanto ng mga may yaman at kapangyarihan na mapalad sila higit sa mga taong salat sa buhay.
Sila yaong hindi pa nakapaghilamos, nagsisimula nang magbanat ng buto para makapag-almusal man lang. Hindi pa man dumidighay sa kaunting kinain sa umaga, problema na kung saan naman huhugutin ang pambili ng bigas na isasaing at toyong ulam sa tanghalian. Gayundin sa hapunan – kung mayroon man.
Sa araw-araw, ganyan ang eksenang makikita sa isang pamilyang maralita. Hindi pa kasama ang kanilang mga diskarte para makalikom ng pambayad sa renta, kuryente, tubig at edukasyon ng mga anak.
Kapansin-pansin sa hanay ng mga maralitang malapit sa Panginoon ang pagiging kuntento sa kung ano man ang mayroon sila. Salat man sa materyal na bagay, punong-puno naman sila ng kaligayahan at pagmamahalan.
82