SEN. POE: WAG PAHIRAPAN ANG MGA MANANAKAY

Badilla Ngayon

SAKSI ako sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe nitong Lunes.

Unang naging paksa ni Poe kung saan siya mismo ang nagtanong kay Antonio Gardiola, hepe ng (TWG) ng Department of Transportation (DOTr), hinggil sa desisyon nitong ipatigil ang pilot test run ng motorcycle taxi.

Simula sa susunod na linggo ay bawal nang mamasada ang mga motorcycle driver bilang motorcycle taxi riders ng Angkas, JoyRide at MoveIt, sapagkat ayon kay Gardiola, ay hindi sumusunod ang Angkas sa kagustuhan ng TWG.

Ang pilot test run ay dapat hanggang Marso bilang ekstensiyon ng unang anim na buwang pilot test run ng motorcycle taxi bilang pampapublikong transportasyon.

Kailangan ang resulta ng pag-aaral ng TWG upang magkaroon ng makabuluhang laman ang mungkahing Motorcycles-for-Hire Act of 2019.

Nainis si Poe at iba pang senador sa TWG na pinamumunuan ni Gardiola, na isang retiradong police brigadier general, sapagkat ipinatigil nito ang pag-aaral sa motorsiklo bilang sasakyan ng mga mananakay nang walang malinaw at matibay na batayan ang TWG.

Ang punto ni Poe ay nangangahulugang muling maghihirap at muling magdurusa ang mga mananakay sa paghihintay at paghahanap ng masasakyan patungong trabaho at pauwi ng bahay dahil sa pagpapatigil sa pilot test run ng TWG.

Galit ang nangibabaw kay Gardiola laban sa ­Angkas, ngunit tinanggalan niya ng kabuhayan ang mga ma­liliit nitong rider at maging ang mga rider ng JoyRide at MoveIt dahil sa desisyon ng TWG na ipatigil ang kanilang pamamasada.

Hindi natin masisisi si Senadora Poe na kastiguhin at pagsabihan ang TWG na gusto lang nitong gumanti sa Angkas na nagiging tinik sa kanilang lalamunan dahil sa ginagawang protesta, pag­hingi ng temporary restraining order (TRO) sa korte at pagkuwestyon sa 10,000 cap na itinakda nito sa Angkas, JoyRide at MoveIt.

Ang ura-uradang pag­dedesisyon ng DOTr – TWG,  na ayon kay Gardiola ay pinahintulutan ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ay walang ibang kahulugan kung ‘di panggigipit.

Ang nakababanas sa panggigipit na ito ay ‘di lang ang mga motorcycle taxi service companies ang mape­perwisyo, kundi higit sa lahat ay ang libu-libong mananakay.

Kaya nga, intindido ko ang plano ni Senadora Poe na manawagan sa pribadong sektor na maghain ng mga kaso laban sa TWG, sapagkat ang desisyon nito ay hindi makatarungan sa hanay ng mga mananakay.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)

148

Related posts

Leave a Comment