SENATOR IDOL, INILILIHIS IMMIGRATION SENATE HEARING?

BISTADOR ni RUDY SIM

ANG ikalawang pagdinig tungkol sa hindi maipaliwanag na pagpuga sa bansa ng magkakapatid na sina Alice Guo, Wesley Guo, Shiela Guo at Cassandra Ong ay kasalukuyang nakasalang upang matukoy kung sino ang dapat managot.

Hanggang ngayon ay nananatiling haka-haka at teorya para sa mga senador, kongresista at maging sa DOJ, kung saan talaga dumaan ang grupo ni Guo. Sa isang press conference ay nagpahayag ng kanyang opinion si DOJ Secretary Crispin “Boying” Remulla at sinabi na hindi siya naniniwala na gumamit ng sea craft o bangka ang grupo ni Alice Guo papuntang Malaysia. Hindi rin daw magpapakahirap na sumakay ang dating mayor ng Bamban, Tarlac sa maliit na bangka lalo at napababalita na nagbayad ng 200M ang mga ito para lamang sa ganyang serbisyo. Kung iisipin ay may katwiran din naman ang Kalihim. Kayo sa Team Bayaran, ano sa palagay n’yo? Sino bang naambunan sa 200M na binadyet nina Alice Guo? Umamin na bago pa kayo i-identify ni Sec. Boying. He he he!

Pero bilib din tayo at hanggang ngayon ay matindi pa rin ang sampalataya ni Kume Tan5 sa kanyang sarili at sa kanyang mga alipores. Isipin na lang na parang “missile” ng Israel ang pagsalakay sa BI pero ayaw pa rin nitong isuko ang bandera at nagbabakasakali pa na sila ay absweltuhin ni Pangulong Bongbong Marcos! ‘Di ba dapat ngayon pa lang ay gumagawa ka na ng reshuffle sa lahat ng airports dahil ikaw na lang yata ang naniniwala na walang kinalaman ang ahensya! Check-mate yata ang hinihintay ni “Kume!”

Kaya naman, Bossing BBM, nasaan na ang pangako mo na “heads will roll sa bureau?” O baka naman parang bente pesos na bigas din ito gaya ng pangako mo noong eleksyon. Paasa rin ba sa sambayanan?

Samantala, marami ang nag-aabang sa panibagong pasabog sa susunod na Senate hearing. Sana naman huwag nang ilihis ni Senator Idol ang issue kapag dinidikdik na sa plenaryo ang Immigration. Dahil kaya bes ni idol ang nasangkot at nakasuhan noon ng panunuhol sa public officials ang isang Empire Travel Agency, na noo’y namayagpag sa Visa Upon Arrival kung bakit dumagsa ang Chinese sa bansa. Nahahalata tuloy na may kinikilingan ang patok sa pagka-pangulo sa 2028 lalo pa kung mababanggit ang isa pang prominenteng Tsekwa na nagngangalang Liya Wu? Kasama ba sa financier ‘yan, Idol?

Well, kumusta naman kaya ang atmosphere diyan sa loob ng Bureau of Immigration sa Intramuros? Malamlam kaya? Sayang naman lalo at malapit na ang inyong founding anniversary sa susunod na buwan. Ang tanong, abutin pa kaya ito ni Tan5? Ang balita kasi ay tinanggap na ng iba sa kanila ang kanilang kapalaran at nalalapit na pamamaalam. Kaya paspasan na raw ang pag-apruba ng mga nasa agenda para naman hanggang sa huli ay may pabaon pa! Sabagay kung si Kume nga naman ang may pinakamalaking share sa hatian tuwing agenda na umaabot umano sa apat na Manok?? Eh di langhap sarap! ‘Di ba, Kume?

Ay Inang!!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

60

Related posts

Leave a Comment