SI GRACE POE NA

BAGWIS

Sinasabotahe nga ba ni Sen. Grace Poe ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang traffic sa Kamaynilaan?

‘Yan ang ating katanungan sapagka’t napaghahalata natin na pilit inililihis ni Sen. Poe sa tamang direksyon ang Duterte administration pagdating sa usapin tungkol sa mga solusyon upang masolusyunan ang mala-delubyong problema sa traffic sa Metro Manila.

Nauna na rito ang pagkontra ni Poe sa hinihi­nging emergency powers ng Malakanyang upang makapagpatupad ng mga polisiya at proyekto ang Department of Transportation upang maibsan ang tinatawag na carmageddon lalong-lalo na sa EDSA.

Okay naman sana na tutulan ito ni Poe dahil maaaring tama nga naman ang kanyang paniniwala na hindi na ito kailangan. Ang mali ay itong ginagawang pamemersonal ni Poe kay DoTr Secretary Arturo Tugade.

Malinaw na foul ito. Bagama’t maraming pagkukulang si Secretary Tugade at malakas magsalita, hindi naman siguro tama na sabihing naging pabaya ito sa kanyang tungkulin. Sabi tuloy ng iba ay puro puna lang si Poe kaya ang bagay sa kanyang pangalan ay Grace Poe-na.

Ang mas matindi nito, wala namang maibigay si Sen. Poe na maayos na solusyon upang maibsan ang traffic sa Kamaynilaan. Para sa kanya, sa halip na bigyan ng emergency powers and DoTr ay mas maiging maglagay ang MRT at LRT ng mga bagon para sa mga mayayaman. Huh? Are you serious, Madam Senator?

Mabuti pa itong kanyang counterpart sa Kamara na si Rep. Edgar Mary Sarmiento dahil sa halip na puna ang inaatupag ay ginagamit nito ang kanyang pagiging inhinyero upang mag-isip ng mga mas kapani-paniwalang solusyon sa traffic sa Kamaynilaan.

Napakaganda ng kanyang panukalang Centralized Dispatch System para sa lahat ng city buses dahil sa pamamagitan nito ay magiging parang tren na rin ang paggalaw ng mga bus sa halip na magdagsaan at mag-agawan sa mga nakatalagang bus stops.

Sana nga lang ay madaliin na ang pagpapatupad nito dahil tiyak na mas lalo pang titindi ang problema natin dahil sa pagpasok naman ng panahon ng Kapaskuhan. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

341

Related posts

Leave a Comment