SI MAYOR ABBY SINISISI KUNG BAKIT NAWALA EMBO SA MAKATI

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TATLONG dekada na ang tinakbo ng legal na agawan sa pagitan ng Taguig at Makati, mula sa Regional Trial Court, Court of Appeals hanggang sa Korte Suprema.

Kung hindi na inakyat ng Makati City ang usapin sa Korte Suprema ay nahinto na ang usaping legal, at marahil nasa kanila pa rin ang Embo Barangays habang nanatili na lamang sa Taguig ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC). Ito ang ating palagay.

Ito rin ang tingin ng ibang mga nasa legal profession tulad ni Atty. Darwin Cañete, prosecutor at kilalang vlogger.

Sa kanyang Facebook post, iginiit ni Cañete na sa kagustuhang makuha ng pamilya Binay ang BGC ng Taguig sa pamamagitan ng mga korte ay naging masaklap ang desisyon dahil hindi lamang ang 240 hectare na military reservation ng Fort Bonifacio, na kinaroroonan ng BGC, ang nakuha ng Taguig kundi ang Enlisted Men Barrio (EMBO) na kinabibilangan ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside at Post Proper Southside, at nasa 729 hectare ito.

Sariwain natin ang ugat ng kaso at ang nangyari mula noon hanggang sa pinal na desisyon.

Unang nagpahiwatig ng interes ang Makati sa BGC. Anila, nasa hurisdiksyon ito ng lungsod.

Kaya noong 1993 ay naghain ng petisyon ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa Pasig City Regional Trial — ang Civil Case No. 63896 na “Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of [Taguig] and Declaration of the Unconstitutionality and Nullity of Certain Provisions of Presidential Proclamations 2475 and 518, with Prayer for Writ of Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order.”

2011, nanalo ang Taguig sa RTC. Tila paramdam ito ng Taguig sa Makati na huwag nang angkinin ang BGC, subalit umapela ang Makati sa Court of Appeals. Noong 2013 ay naipanalo ng Makati ang apela.

Nagsindi ito ng word war sa pagitan ng 2 lungsod. Sumaklolo na rin ang kanya-kanyang supporter kaya lumaki ang kaso.

Lalong nagpakita ng interes ang Makati sa BGC dahil na rin sa lalo itong umunlad, at ito ang pinagkukunan ng income ng Taguig dahil narito ang malalaking multinational companies.

Kasunod ng desisyon ng Court of Appeals, si dating Makati City Mayor Junjun Binay ay naging marahas sa pagsasabing iti-takeover na nito ang BGC. Sorpresa pa ang pagbisita niya sa Taguig City Hall at nag-alok ng income sharing deal para sa Fort Bonifacio.

Hindi nagustuhan ni Mayor Lani Cayetano ang pagpapakita ng pwersa ni Mayor Junjun.

Naghain ng apela ang Taguig sa desisyon ng appellate court at ang maagang pagdiriwang ng Makati City ay naunsyami nang mapatunayang guilty sa forum shopping ang Makati City.

Gayunman, hindi pa rin tumigil ang Makati City, na inakyat muli ang territorial dispute sa Korte Suprema. Noong nakaraang taon ay itinakda ng SC ang final and executory decision sa hidwaan. Nanalo ang Taguig.

Ang ginagawang hakbang ng Taguig na pagkuha ngayon sa EMBO barangays ay alinsunod lamang sa utos ng SC. Nararapat lamang na umaksyon ito bilang winning party.

Hindi nagpupumilit ang Taguig sa pag-angkin sa EMBO Barangays kaya dapat tulungan ito upang maisakatuparan ito nang maayos.

Mismong mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Education, Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, Philippine National Police, Department of Health ay sumusunod na sa desisyon ng Korte Suprema at inililipat na ang kanilang mga operasyon mula Makati papuntang Taguig. Naghahanda na rin ang Commission on Elections sa paglipat ng mga botante mula Makati tungo sa Taguig para sa nalalapit na Barangay at SK elections.

Si Makati Mayor Abby Binay na lang ang ayaw pang sumunod sa desisyon ng Korte Suprema.

282

Related posts

Leave a Comment