MY POINT OF BREW
KUNG totoo man itong balita, ako ay muling nalaglag sa aking upuan. Alangya. Tiba-tiba na naman ang mga tinatawag na ‘middle man’ na nagbabagsak ng mga produktong sibuyas sa ating mga palengke. Malamang ay napakaganda ng kanilang Pasko. Hindi ako magtataka kung pati sa Santa Klaus ay nalaglag sa kanyang magik na sinasakyan nang malaman niya kung gaano pinagsamantalahan ng ibang tao ang paghihirap ng karamihan ng ating mamamayan noong kapaskuhan.
Ayon kasi kay municipal agriculturist Romel Calingasan ng San Jose, Occidental Mindoro na may mga mangangalakal o trader na bumili ng mga sibuyas sa kanilang lalawigan sa halagang P8 hanggang P15 kada kilo noong mga panahon ng huling pag-ani ng sibuyas bago magkaroon ng kakulangan ng suplay nito noong Setyembre. Anak ng tipaklong. Tubong lugaw, ika nga!
Ang masakit pa sa balitang ito, lumalabas na hindi lamang tayong mga konsyumer ang pinagsamantalahan kung hindi pati ang mahihirap ng mga magsasaka natin. Kung totoo naman ito, nasaan kaya ang konsensya ng mga hangal na negosyanteng ito?
Nauunawaan naman natin na ang pakay ng mga nais magnegosyo ay kumita ng pera. Subalit ibang usapan ang ligal na pagnenegosyo sa panggogoyo. Ganito pala ang nangyari sa atin. Nagoyo tayo!
“‘Yang presyong pinag-uusapan po natin ngayon na nag-range po sa P650 hanggang P700 sa merkado, ‘yan po ay binili lamang po sa mga magsasaka na taga San Jose, Occidental Mindoro ng P8 to P15 during harvest season po sa amin noong buwan po ng March to April noong 2022, last cropping season po,” ito ang pagsisiwalat ni Calingasan noong nagkaroon ng pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform tungkol sa kakaibang pagsipa ng presyo ng sibuyas noon nakaraang buwan.
“‘Yung mga binebenta po sa merkado sa kasalukuyan, at noong buwan ng Setyembre hanggang Disyembre, ‘yan po ang sinasabi ko na binili sa mga magsasaka namin sa Occidental Mindoro ng P8 to P15 lang per kilo,”dagdag pa ni Calingasan.
Anak ng tipaklong, binarat pala ng mga negosyante ang mga kawawang magsasaka natin. Ika nga sa kasabihan natin, ‘Ako ang nagsaing at iba ang kumain’! Nagpakahirap ang ating kawawang mga magsasaka upang magbungkal ng lupa, magtanim, diligan, alagaan, maglagay ng pataba sa mga tanim at naghintay ng apat na buwan upang bilihin lamang ang kanilang sibuyas sa halagang P8 kada kilo. Huwaw!
Malinaw ang ibig sabihin nito. Upang pumayag sa ganitong mababang presyo malamang ay marami ang kanilang ani. Wala lang kasi silang pag-iimbakan ng kanilang sibuyas kaya pumayag silang maibenta ito sa mababang halaga.
Ang tanong…ano ang ginawa ng mga tauhan ng Department of Agriculture noong mga panahon na iyon? Buwan ng Marso at Abril noong nakaraang taon nagkaroon ng ani ng sibuyas. Hindi ba nila namonitor ito o abala sila sa pagsipsip sa mga kumakandidato noong mga panahon na iyon bago eleksyon noong Mayo?
Aba’y kailangan malaman natin ang puno’t dulo nitong isyu ng sibuyas upang hindi na maulit ang ganitong kaganapan at hindi pamarisan ang mga mapagsamantalang mga negosyante .
Ipinaliwanag pa ni Calingasan na malaki ang kakulangan ng mga imbakan o storage facilities para sa mga produktong agrikultura. Kaya imbes na mabulok ang mga sibuyas, mas minabuti pa ng mga magsasaka na ibenta ito sa pinaka murang halaga.
Kaya malinaw na malinaw na ang mga middle man ang nagmamaneobra ng presyo ng mga produktong agrikultura sa ating bansa.
Sana naman ay imulat na ang mga mata ng mga opisyal ng ating pamahalaan. Bantayan ninyo mabuti ang kapakanan ng ating mga mamamayan. Parang awa naman po.
