SILENT EPIDEMIC

ISANG ngipin lang ang sumakit, buong katawan lumalangitngit. Salawikain lang ito ngunit ipinakikita kung ano ang epekto ng sumasakit na ngipin sa kalusugan ng tao.

Kaya dapat seryosohin ang pahayag ng Department of Health na 73 milyong Pilipino ang may sirang ngipin. Pinakamarami sa mga sira ang ngipin ay mga kabataan.

Ayon kay Dr. Manuel Vallesteros, Chief ng Child Adolescent and Maternal Health Division, Disease Prevention and Control Bureau, ng DOH, 50% sa naturang bilang ang may sakit sa gilagid, 40% naman ang hindi pa nakapagpatingin o nakapagpa-check-up sa dentista bunsod ng kakulangan sa access ng mga naninirahan sa geographically isolated and disadvantaged areas. Kaya naman itinuturing ito bilang isang silent epidemic.

Sinabi ni Dr. Vallesteros, na isa sa mga posibleng dahilan kung bakit tumataas ang bilang nito ay ang kakulangan sa impormasyon sa tamang pangangalaga ng mga ngipin.

Nilinaw ni Dr. Vallesteros na bahagi ng pangkalahatang pangkalusugan ng isang tao ang oral health at dapat itong seryosohin ng publiko.

Dahil dito, target ng DOH na magkaroon ng isang dentista sa bawat munisipyo sa buong bansa.

Bukod sa nabanggit na mga dahilan kung bakit napapabayaan ang ngipin ng mga Pinoy, ang mahal na pagpapakonsulta sa dentista.

Hindi lang eksaminasyon ng ngipin ang ginagawa kapag nagpapatingin sa dentista. Maaaring kakailanganin ang oral prophylaxis o paglilinis.

Ang regular na pagbisita sa dentista para magpalinis ng ngipin o magpalagay ng tinatawag na pasta, root canal, magpabunot, at kung ano-ano pa ay nangangahulugan ng gastos sa ordinaryong Pinoy.

Kung ang mga magulang ay kulang pa ang sinasahod sa pagkain at panggastos sa araw-araw ng pamilya, paano pa nila isasangguni sa dentista ang problema sa ngipin ng mga anak nila?

Mahalaga ang regular na pagpapatingin sa dentista para mapanatiling maayos at malusog ang mga ngipin at gilagid. Tipikal na kada anim na buwan ang regular na pagpapatingin sa dentista, at maaaring mas mababa o mataas sa anim na buwan, depende sa rekomendasyon ng dental professional. Mabigat ito sa mga ordinaryong mamamayan.

Magkaroon man ng isang dentista sa bawat munisipyo, posibleng hindi pa rin matugunan ang problema.

Pilipinas naman daw ang topnotcher sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng may sirang ngipin.

Sabagay, may kumikita sa pagiging bungal, kahit sila ay tampulan ng tukso at ginagawang katatawanan.

77

Related posts

Leave a Comment