SINAS, ‘DI NA MAGIGING PNP CHIEF

Badilla Ngayon

SIMULA nang hindi kinilala ng mga naging pangulo ng bansa ang aspeto ng ‘seniority’ sa pagpili ng hepe ng Philippine National Police (PNP), maging ang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay naging ‘regular’ na “kandidato” sa pagiging pinuno ng pambansang pulisya.

Ang tawag sa NCRPO director ay “dark horse” sa mga pinagpipiliang hepe ng PNP.

Ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang NCRPO director noon na si General Oscar Albayalde (major general siya sa panahong ito) ang pumalit kay General Ronald dela Rosa sa puwesto.

Napili ni Duterte si Albayalde dahil sa pagiging masigasig at istrikto sa trabaho.

At syempre, dahil na rin sa “strong recommendation” ni Dela Rosa kay Duterte na maging PNP chief ang kanyang “mistah” sa Philippine Military Academy (PMA) – Batch ‘86.

Nang malapit nang magretiro si Albayalde, ang NCRPO director noon na si Major General Guillermo Lorenzo Eleazar ang matunog na matunog na papalit kay Albayalde.

Masipag, aktibung-aktibo, mahusay magpaliwanag sa mga itinatanong sa kanya ng mga journalist, tapat at higit sa lahat walang masamang rekord simula nang maging pulis si Eleazar.

Kumbinsido nga noon si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na si Eleazar ang makapagbabalik sa magandang kredebilidad at imahe ng PNP nang “masira” ito mula sa kontrobersiyang humabol kay Albayalde hinggil sa napakamaanomalyang operasyon laban sa ilegal na droga sa Pampanga noong Nobyembre 2013.

Hindi naging PNP chief si LtGen. Eleazar dahil “naipit” at “inilayo” siya sa eksena ng mga taong  ayaw na “bata” nina Dela Rosa at Albayalde ang maging pinuno ng pambansang pulisya.

Sa huli, si General Archie Francisco Gamboa na itinalagang OIC ni Duterte habang aktibo pa sa serbisyo si Albayalde ang siyang naging hepe ng PNP.

Kasabayan nina Dela Rosa at Albayalde si Gamboa sa PMA.

Nang italaga ni Gamboa si PNP Central Visayas chief Debold Sinas bilang NCRPO Director, sinabi ko sa sarili ko na si Sinas ang makakalaban ni Eleazar sa pagiging PNP chief sa Setyembre ng taong kasalukuyan.

“Bata” raw ni Gamboa si Sinas at “malakas” din daw ito sa boss ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si retiradong P/Col. Royina Garma, isa sa mga taong “napakalakas” kay Duterte.

Kaya, kung paiiralin ang “Bata-Bata System” at “politika” sa PNP, napakalaki ng pag-asa ni Sinas na maging PNP chief.

Sina LtGen. Eleazar at MGen. Sinas ay magkasabay na nagtapos sa PMA noong 1987 at sila ang pangunahing pagpipilian sa susunod na magiging PNP chief.

Si Lt. Gen. Camilo Cascolan na ngayon ay PNP Deputy Chief for Administration ay nakatakdang magretiro sa Nobyembre 10, higit isang buwan matapos magretiro si Gamboa sa Setyembre 2.

Ngunit, malabong maging hepe ng PNP si Sinas dahil sa  mga paglabag sa mga alituntunin ng enhanced community quarantine (ECQ).

Naganap ito noong pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig nitong Mayo 8.

Kitang-kita sa mga kumalat sa media (kabilang ang social media) na mga litrato nang pagdiriwang ng kaarawan ng NCRPO Director na hindi sinunod at ipinatupad ng mga opisyal ng pulisya ang social distancing, physical distancing at pagsusuot ng face mask na nakasaad sa ECQ na mismong si Pangulong Duterte ang nagdeklara noong Marso 16 at pinalawig hanggang Mayo 15.

Ang mga naganap sa pagdiriwang ng kaarawan ni Sinas ay labag sa mga alintuntunin ng ECQ.

Ang totoong nag-utos sa Internal Affairs Service (IAS) ng PNP na magsagawa ito ng imbestigasyon ay walang iba kundi si Executive Secretary Salvador Medialdea, banggit ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Sabi ni Roque, sinabi ni Medialdea sa hepe ng IAS na ipadala sa tanggapan ng huli ang resulta ng imbestigasyon.

Sigurado akong mayroong basbas ni Duterte ang aksyon ni Medialdea, sapagkat hindi naman basta-basta nakikialam ang Malakanyang sa kapalpakan ng mga heneral ng PNP.

Kaso, hindi nanatiling “usok” ang nangyari sa NCRPO, kundi “apoy” na patuloy na lumalakas.

Kaya, umaksyon na ang Malakanyang.

Walang magawa si Gamboa sa matinding kapalpakang ginawa ni Sinas, kundi sampahan ng kasong criminal kasama ang iba pang opisyal ng PNP.

Kaya, hindi na magiging hepe ng PNP si Sinas. NELSON BADILLA

 

 

77

Related posts

Leave a Comment