SINIPA AT KINALMOT NI MADAM; PHILCANGO WALA PA RIN AKSYON

AKO OFW

MULI na namang hu­mingi ng tulong ang ating kabayani na si Gloria Aguilar dahil sa patuloy na kawalan ng aksyon ng kanyang ahensya na Philcango International Recruitment Services, Inc.

Si OFW Aguilar ay nakarating sa Riyadh, Saudi Arabia noong May 13, 2018.

Ayon sa sumbong na ipinarating sa pamamagitan ng ating Ako OFW welfare volunteer na si Aiysha Consuelo, si OFW Aguilar ay nakararanas na diumano ng pagmamaltrato at hindi binibigyan ng sapat na pagkain. Halos pangkaraniwan na ang pagsasalita ng mga masasakit na pagmumura ng kanyang employer.

Ipinadala rin ni OFW Aguilar ang kanyang larawan na namamaga ang kanyang pisngi dahil sa pagsampal ng kanyang amo. Naranasan na rin niya ang pagsipa at pagkalmot ng kanyang among babae.

Isinusumbong din niya na isang beses sa isang araw na lamang siya pinapakain at swerte na lang kung may matitira sa pagkain ng amo niya na kanyang itinatabi para may makain sa gabi.

Naipaalam na niya sa kanyang ahensya sa Saudi Arabia ang kanyang sitwasyon sa kanyang kinasasadlakan. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin diumanong aksyon ito, kung kaya siya ay humihingi ng tulong sa Ako OFW upang mapakiusapan ang kanyang ahensya na Philcango International Recruitment Services, Inc. para muling manawagan na siya ay matulungan na makauwi na sa Pilipinas.

Ang Ako OFW ay labis na nakikiusap sa kanyang ahensya na bigyang-pansin ang sumbong na ito ni OFW Aguilar. Ipinadala ko na rin kay OWWA Welfare officer Benny Reyes ang sumbong na ito upang matulungan ang ating kabayani.

Samantala, muli kong hinihikayat ang lahat ng mga OFW at maging ang mga papaalis pa lamang ng bansa, na siguruhin na mayroon silang Bantay OFW Mobile apps na libreng maida-download mula sa Android Playstore.

Ang Bantay OFW Mobile app ay may kakayahan na ma-monitor ang kalagayan at sitwasyon ng bawat OFW. Ito ay isang proyekto at pagkakawang-gawa ng Ako OFW Inc. para masiguro na mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabayani saan mang sulok ng mundo. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

192

Related posts

Leave a Comment