CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAKAPAGTATAKA nga ba kung bakit nauso ang paghingi ng mga ahensya ng pamahalaan ng confidential and intelligence funds?
Mismong si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ay nagtanong kung bakit parang nauso na at lahat biglang humihingi na ng intelligence fund.
Ano ang pakay? Ito umano ang itatanong ng Senado sa budget session.
Ayon kay Ejercito, magsasagawa sila ng executive session para malaman kung paano gagamitin ng mga ahensya ang panukalang CIF sa 2024.
Kung gigisahin lang ang mga piling ahensya na atat sa CIF, pero hindi naman hahantong sa tunay na may sustansiyang layunin ng mga mambabatas, parang luto rin ang mga pagdinig at sesyon.
Pag nakalatag na ang pipirmahan ay agad namang kikilos ang pluma at presto, lusot din ang intel at confi funds.
Ang dapat sigurong gawin ng mga mambabatas ay hindi lang puro ngawa dahil nagmumukhang pabalat-bunga lang ang kanilang ginagawa.
Kasasanayan na ‘yan at magiging bahagi ng sistema. Pwede naman pala eh, bakit hindi?
Kapag nangyari ‘yan, lalong masisimot ang pondo ng bayan.
Ang CIF ay hindi lato-lato na patapos na ang kasikatan, ngunit hanggang ngayon ay wala namang nangyari sa ngawngaw ng mga otoridad sa panganib, perwisyo at iba pang negatibo kunong epekto nito sa mga bata.
Sa panukalang 2024 NEP, ang hinihinging intelligence funds ay P5.77 billion at ang confidential funds ay nasa P4.864 billion.
Tuloy, binatikos ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang administrasyong Marcos hinggil sa CIF. Aniya, ito ay nagpapamalas ng kawalan ng malasakit sa mga ordinaryong Pilipino.
Ang alokasyong ito mula sa panukalang P5.768-trillion National Expenditure Program ay malaking pagkakamali.
Tama ngang kwestyunin ang pang-unawa ng pamahalaan sa totoong pangangailangan at hamong hinaharap ng bansa.
Maraming importanteng pangangailangan ang dapat paglaanan, tulad ng mga apektado ng kalamidad, sanitasyon, kalusugan at iba pa na hindi napagtutuunan ng pansin at patuloy na binabalewala.
Ba’t nga ba nauso ang confi at intel na pondo?
Malamang nakakita ang mga ito ng lagusan para makaiwas sa pananagutan habang nilulustay ang pondo na hindi inilalagay sa dapat paglaanan.
Wala na ngang pangamba o takot na makasuhan ang mga tiwali.
Ang pinakaugat siguro ay ang diwa ng pagbubuklod o pagkakaisa kaya ang ginagawa ng puno ay ginagaya ng sanga. Pinagbiyak na bunga ang resulta.
Mahiya naman kayo sa taumbayan.
Naalala ko tuloy ‘yung isang trending tweet ng netizen: Gumising nang maaga at ‘wag tatamad-tamad. Marami tayong binubuhay na magnanakaw.
**INUUBOS NG CHINA PASENSYA NG PINOY**
Kung nakamamatay ang gigil, naubos na siguro ang mga Tsino na nakakalat sa West Philippine Sea (WPS).
Hanggang kailan ba natin titiisin ang panggagago ng bansang ‘nakikipagkaibigan’ pero nanlalamang at nanggigipit.
Kung katibayan din lang, hindi na mabilang sa daliri ang pangha-harass na inabot sa kanila ng tropa ng pamahalaan at mangingisdang Pinoy.
Kung natatandaan ninyo, minsan na nilang binangga ang bangka ng mga mangingisda natin. Tinira na rin ng laser ang Phil. Navy ship. At ang pambobomba ng tubig na hindi lang minsan nangyari.
Hanggang diplomasya na lang ba ang gagawin ng Pinoy?
Kumusta naman si BBM? Mula sa matapang na “This country will not lose one inch of its territory” statement niya nang magsalita siya sa harap ng Philippine Military Academy alumni nito lang nakalipas na Pebrero, ay iba na ngayon ang tono.
Nakababahala ang pahayag niyang may gray area sa pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at China. May kinalaman kaya ito sa pag-uusap nila ni Digong noong isang linggo?
Nakaiintriga tuloy ang pakay ng pagbisita ni Digong sa China kamakailan na ang sabi ay personal bilang magkaibigan naman sila ni Xi Jinping. Pero, sabi nga ni Prof. Richard Heydarian: This isn’t “Mr Congeniality” contest! It’s a matter of national security!
104