SLEEPER CELLS NG CHINA SA PINAS ‘DI IMPOSIBLE

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI na ako nagulat sa natuklasang sleeper cells ng China sa Pilipinas dahil pumapalag na ang mga Pilipino sa ilegal nilang pag-angkin sa West Philippine Sea (WPS) na kulang na lang pati ang mainland ay bakuran na nila.

Ang tanong, may plano ba ang China na sakupin ang Pilipinas para maging probinsya nila tulad ng iminungkahi ng isang dating lider ng bansa noong nasa kapangyarihan pa sila, para matapos na ang agawan sa WPS?

Wala itong ipinagkaiba sa ginawa ng Japan bago nila sinakop ang Pilipinas noong 1942, na biglang dumami raw ang mga Hapon sa bansa na nagpanggap na mga nagtitinda ng taho at obrero.

Nang pormal nang sasakupin ng Japan ang Pilipinas, ang mga Hapon na nauna at matagal nang nanirahan sa bansa ay military officials pala kaya napadali sa kanila ang pananakop sa ating bansa.

Malaki ang interes ng China sa Pilipinas kaya ‘yung natuklasang sleeper cells nila ay posibleng paghahanda para sa kanilang maitim na plano lalo na’t pinapauso ng Russia ang pananakop sa ibang bansa para lumawak ang kanilang emperyo’t kapangyarihan.

Maraming likas na yaman ang Pilipinas na hindi pa nagagalaw tulad ng langis at gas sa WPS kaya interesado ang mga ito sa ating bansa kaya malamang ay nagpadala na si Xi Jinping ng advance forces.

Noong nakaraang administrasyon, marami na ang nagdududa sa POGO operations sa bansa dahil kung saan malapit ang military facilities ay doon itinatayo ang POGO hub kaya kinalampag ng Kongreso ang security forces hinggil sa bagay na ito.

Bukod dyan, ang POGO workers ay mukhang mga militar dahil sa kanilang tindig at tikas kaya ang duda ng maraming Pinoy ay ginagamit ng China ang ilegal na sugal na ito para espiyahan ang Pilipinas.

Natapos ang nakaraang administrasyon, wala tayong narinig tungkol sa pangangalampag ng ilang mambabatas sa kanila hinggil sa kaduda-dudang POGO workers na mukhang kasapi ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.

Tahimik ang nakaraang administrasyon sa isyung ito hanggang sa matuklasan ang sleeper cells nila. Hindi kaya ‘yung POGO workers na mukhang mga military ay ginawang tuntungan lang ang POGO para makapasok sa Pilipinas?

Hindi ‘yan malayong mangyari dahil walang impormasyon kung ‘yung naunang POGO workers na dumating sa Pilipinas mula noong 2017 ay umalis ng Pilipinas at ilang libo ba talaga sila dahil may traydor sa Bureau of Immigration na nagpapapasok sa kanila sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga.

Isa rin sa posibleng misyon kaya nagtayo ng sleeper cells ang China ay para espiyahan ang United States (US) at iba pang bansa na itinuturing nilang kalaban at hadlang sa kanilang ambisyosong maging number one country sa buong mundo, hindi lamang sa larangan ng ekonomiya kundi sa military power.

Tulad ng inaasahan, itinatanggi ng China na may sleeper cells sila sa Pilipinas. Natural, itatanggi nila ‘yan. Sino bang loko-lokong bansa ang aamin at sasabihin na may ikinalat silang mga espiya sa bansang ayaw yumuko sa kanila?

184

Related posts

Leave a Comment