Ang State of the Nation Address o SONA ay pag-uulat tungkol sa kalagayan ng ating bansa sa nagdaang taon. Ayon sa Malacañang, ibibida ng pangulo ang mga programa laban sa kahirapan, Build Build Build Program, at pagsugpo sa armed conflicts. Pag-uusapan din dito ang legislative agenda ng pangulo sa susunod na taon. Kung kaya’t malalaman din natin kung sino ang susunod na House speaker na magsusulong nito.
Ngunit, kung mayroong BIDA, mayroon ding mga kontrabida. Nakaabang ang kanyang mga kritiko na babatikos sa kanyang mga polisiya at programa. Gaya na lamang ng isyu ng West Philippine Sea (WPS). Asahan din na magsesermon ang pangulo sa mga bumabatikos sa kanya patungkol sa WPS at sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council. SO ano NA nga ba talaga?
Inaabangan din ang eksena ng pasiklaban ng kasuotan, sasakyan at alahas. Kulang din ang SONA kung walang kasamang kabi-kabilang protesta mula sa iba’t ibang sektor. Kaabang-abang din kung sino ang aawit ng Lupang Hinirang at kung maawit ito nang tama. Ididirehe ni Joyce Bernal ang SONA para sukat ang lahat ng pananalita, galaw at anggulo.
Ilang araw bago ang SONA lumabas din ang survey kung ano ang gusto nilang marinig sa pangulo? Nangunguna nga ang isyu sa foreign policy sa Tsina at sa WPS. SO sino NA nga kaya ang tunay na nagmamay-ari nito?
Kahit ano pa man, mataas pa rin ang popularidad at satisfactory ratings ng pangulo. Sa pinakabagong sarbey ng SWS, 80% ng mga Filipino ay patuloy na nasisiyahan sa pangulo. Ito ay kitang-kita matapos mai-panalo ang kanyang mga kandidato sa Senado at Mababang Kapulungan, kasama ang kanyang anak na si Polong. SO ano NA ang magiging priority bills ng 18th Congress?
Sana’y maging makabuluhan ang SONA sa darating na Lunes. Lamanin nito ang mga isyu na malapit sa sikmura ng bawat Filipino. Maging madiplomasya, at mapag-usapan ang mga importanteng polisiya sa ekonomiya at maisantabi ang politika.
Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag-email sa Ilagan_ramon@yahoo.com or magmensahe sa FB: Mon Ilagan Account Two (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)
109