SOBRANG BAGAL

DPA

HINDI ko maintindihan kung bakit masyadong mabagal ang pamamahagi ng Social Amelioration Fund sa 18 milyong pamilyang target sa ‘financial aid’ na habang sila ay walang mapagkukunan dahil sa obligado silang mag-quarantine.

Sa 18 milyong pamilyang target na tutulungan, 4.1 milyon ay mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps  na kung tutuusin, 14 milyon lang ang bagong aayudahan (na pansamantala).

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kahit may master list na sila ng 4Ps ay mayroon pa rin silang backlog na halos isang milyon samantalang anim na linggo na ang distribusyon nila.

Mauunawaan ko ang delay kung ang mga bagong aayudahan lang ang may backlog pero kahit ang 4Ps beneficiaries na listahan na ay hindi pa rin kumpleto!

Kailangang-kailangan ng mga tao ang tulong pinansyal na ito ng gobyerno dahil halos dalawang buwan na silang walang trabaho, walang kita at ubos na ang kanilang ipon kung mayroon man.

Pero super bagal ang mga ahensya ng gobyerno sa pagtulong. Ayaw kong isipin na darating ang araw na may maibabalita na may namatay sa gutom sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ). Huwag naman sana.

Pero kapag nangyari iyan, walang ibang tatamaan diyan kundi ang gobyerno at masamang imahe iyan sa administrasyon. Sana, bilisan naman ang pamamahagi ng pinansiyal na ayuda dahil kahit sabihin pang nakapagbigay na ang local government units (LGUs) ng relief goods, ay hindi pa rin sapat ang mga ito para sa mga mahihirap na pamilya.

May LGUs na isang beses lang nagbigay ng relief goods sa una at ikalawang linggo ng ECQ kaya palagay n’yo hindi pa ubos iyon? Sana bilisan naman dahil nagtatampo na ang mga tao.

Nandyan na ang pera kaya wala ng dahilan para ma-delay ang tulong na iyan sa 7.7 milyong pamilya na umaasa pa rin na sana ay dumating na ang inaasahan nilang tulong mula sa gobyerno.

Isa sa mahigpit na bilin ng gobyerno para maiwasang mahawaan sa COVID-19 ay ang ‘social distancing’ pero mukhang hindi nasusunod ang ‘protocol’ na ito kapag namimigay na ng social amelioration.

Kung ang mga eskena sa mga barangay na nakikita natin sa mga telebisyon ang pagbabasehan, mukhang hindi talaga sinusunod ang social distancing dahil dikit-dikit pa rin ang mga tao sa pila.

Sa kuhang larawan nga ng kasamahan natin sa hanapbuhay na si Gerry Baldo sa kanilang barangay sa San Jose del Monte City sa Bulacan, walang sumusunod sa social distancing habang inaantay ng mga tao ang financial aid na  ipamamahagi sa barangay hall.

Parang eksena sa political rally ang karaniwang nakikita natin sa mga balita sa telebisyon kapag dumadagsa na ang mga tao sa mga barangay hall upang kunin ang perang  ibibigay sa kanila.

Kahit sa Quezon City, mukhang hindi nasusunod ang social distancing dahil dikit-dikit ang mga tao. Ewan ko kung sino ang dapat sisihin dito, ang mga tao ba o ang nagpapatupad ng batas?

Kung social distancing ay hindi nasusunod ngayong panahon ng ECQ, paano na lamang kung ilagay na sa general community quarantine ang risk areas tulad ng QC pagkatapos ng Mayo 15? Umayos nga kayo! BERNARD TAGUINOD

 

288

Related posts

Leave a Comment