STYRO CUP

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa paborito kong speech ang “styro cup” ng isang dating undersecretary ng Department of Defense ng United States (US) na tila hindi kinapupulutan ng aral ng mga nasa puwesto sa gobyerno.

Sa speech na ito, sinabi ni Usec na noong nasa puwesto siya sa gobyerno, lahat ng pribelehiyo ay ibinibigay sa kanila tulad ng pagsundo sa kanya sa airport, laging naka-business class, may nagbubukas sa kanya ng pintuan, pinagmamaneho siya, ready lagi ang kanyang hotel room bago siya dumating at higit sa lahat binibigyan siya ng kape o kaya tea na nakalagay sa magandang ceramic mug.

Pero noong nawala na siya sa puwesto, nawala na ang lahat ng pribelehiyong ito at wala nang nagbibigay sa kanya ng kape o tea sa mugs kaya kapag may dinadaluhang pagtitipon, siya na mismo ang kumukuha ng kanyang inumin gamit ang styro cup.

Sabi niya, ang mugs na pinaglalagyan ng kape o tea na otomatikong ibinibigay sa may mga posisyon sa gobyerno ay hindi dahil sa kanya, kundi dahil sa kapangyarihang meron siya.

Kapag wala ka nang kapangyarihan, wala nang magsisilbi sa ‘yo ng kape at tea na nakalagay sa magandang ceramic mug at kapag gusto mong magkape, ikaw na mismo ang kukuha at ilalagay mo ‘yun sa styro cup na naka-ready sa coffee machine sa gilid.

Naisulat ko ito dahil ang daming opisyal ng gobyerno na kung pagsilbihan ng mga amuyong sa kanyang paligid ay sobrang OA as in over acting na akala mo ay may gagalaw sa kanilang amo.

Mukhang ine-enjoy naman ng mga opisyal ng gobyerno ang pagsisilbi sa kanila ng mga taong nakapaligid sa kanya na noong ordinaryong pulitiko lang sila ay wala ang mga taong ito sa kanyang paligid.

Matagal na rin akong nagkokober sa pulitika at marami na akong nakitang mga pulitiko na noong makapangyarihan sila ay sandamakmak ang mga taong nakapaligid sa kanila pero noong nawala na sa poder ay biglang nawala ang mga amuyong sa kanyang tabi.

Nangangahulugan lamang na ang kapangyarihan ng isang dinudumog na pulitiko ang pakay ng mga taong nakapaligid sa kanya at hindi siya mismo bilang isang tao pero marami pa rin ang hindi natututo dahil nabubulag sila sa pansamantalang kapangyarihan meron sila ngayon.

Hindi na ako magbabanggit ng mga pangalan pero naaawa ako sa isang makapangyarihang tao sa lipunan ngayon dahil noong nagkaroon siya ng kapangyarihan ay dumami ang kanyang kakampi.

Pero noong panahong bigo siya sa kanyang target na kapangyarihan ay walang tao sa kanyang paligid kundi ‘yung mga loyal lang sa kanya na iilan lang at hindi siya iniwan sa gitna ng kanyang pagdurusa.

Nang magkaroon na siya kapangyarihan, dinumog siya ng mga amuyong na karamihan o halos lahat ay hindi man lang nakiramay sa kanya noong panahon ng kanyang kabiguan kaya ‘yung mga loyal sa kanya ay nawala sa frame. Hindi pinahalagahan ang loyalty ng mga karamay niya noong wala pa siya sa poder.

Alam ko na ang kapangyarihang meron ang taong ito ang dinudumog ng mga tao at hindi kung sino siya mismo. Darating ang araw na mabibilang ulit ng taong ito ang mga totoong nagmamalasakit sa kanya kapag wala na siyang power.

162

Related posts

Leave a Comment