SULONG, LABAN OFWs!

Badilla Ngayon

EKSAKTONG 336,809 ang overseas Filipino workers (OFWs) ang nag-aplay ng programang AKAP ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan sila ng ayudang tig-P10,000 bawat isa makaraang mawalan ng trabaho nang patigilin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ekonomiya ng napakaraming bansa sa daigdig.

Batay ito sa kalatas ng DOLE na inilibas nitong Mayo 2. Sa bilang na ‘yan, 85,849 OFWs ang nakatanggap na ng ayuda habang pinag-aaralan pa ng DOLE ang aplikasyon ng natitira sa 336,809.

Kaso, tiniyak na ni DOLE Secretary Sylvestre Bello III na hindi lahat ng OFW na hindi pa nabibigyan ng pampinansiyal na ayuda ay makakatanggap ng P10,000, sapagkat 150,000 lang ang ‘target’ ng DOLE na mabigyan dahil P1.5 bilyon lang ang perang kayang ilabas ng DOLE para sa programang AKAP.

Kaya naman 186,809 na lang ang “mapapalad” na mabibigyan ng P10,000.

Hindi ko maintindihan kung bakit 150,000 lang na mga manggagawang nagtatrabaho sa ibang bansa ang tutulungan ng DOLE, samantalang 2.3 milyon ang kabuuang bilang ng OFWs batay sa ‘survey’ ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018.

Kung 2.3 milyon ang nagtatrabaho, 150,000 manggagawa lang ba ang mga nawalan ng trabaho sa ibang bansa ngayong mayroong COVID-19?

Hindi naman bibigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga OFW, sapagkat OFW nga raw sila.

Ang OFWs ngayon sa Pilipinas ay walang trabaho, sapagkat  mahigpit na pinagbabawalan ng administrasyong Duterte na makalabas sila ng bansa upang hindi sila magkaroon ng COVID-19. Kaya, sa huli ay kawawa ang mga OFW at iba pang manggagawa.

Kapag may problema ang mga OFW tulad ngayong panahon, hindi solido, hindi todo-todo ang pagsuporta at pagtulong ng pamahalaan. Hindi sila prayoridad! Wala sila sa unahan ng listahan ng DOLE!

Pokaragat na ‘yan!

Pero, kapag kailangan ng pamahalaan ng pera ay puwersahan silang sisingilin at pagbabayarin. Ang tinutukoy ko ay ang pagbabayad ng OFWs ng malaking ‘premium’ sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang puwersahang papel ng OFWs sa PhilHealth ay mayroong kinalaman sa pagkakaroon ng bilyun-bilyong pondo para sa paglulunsad ng sistemang “Universal Health Care” (UHC) na ipinanganak ng Republic Act No. 11223 o UHC Law.

Sabi ng pinuno ng AKO OFW Inc. na si Dr. Chie Umandap, maganda ang konsepto at layunin ng sistemang UHC dahil ipinapakita nito ang bayanihan ng mga Filipino upang mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayang Filipino, lalo na ng mga mahihirap, nang walang gastos.

Ang dalawang malaking pagkukunan ng pondo ng programang UHC ay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at buwis mula sa mga produktong tulad ng alak at  sigarilyo alinsunod sa itinakda ng R.A. 11223.

Walang nakasaad sa R.A. 11223 na sapilitang magbabayad ng PhilHealth ang OFWs para magkaroon ng pondo ang programang UHC.

Ang henyong opisyal ng administrasyong Duterte mula sa Department of Health (DOH) na si Dr. Francisco Duque III ang pumayag at lumagda sa implementing rules and regulation (IRR) ng UHC Law kung saan puwersahang magbabayad ng napakataas na premium ang mga OFW.

Kapag hindi sila magbayad, hindi sila bibigyan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng overseas employment certificate (OEC) upang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sabi naman ni Ressie Fos, pangulo ng Bayanihan ng mga Manggagawa sa Konstruksyon sa Qatar – Federation of Free Workers (BMKQ-FFW), “The supposed policy not to issue OEC to OFWs if PhilHealth premiums, including arrears with compounded interest, are not paid is totally absurd — it’s like ‘OEC for ransom’.”

Kamakailan naman ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na boluntaryo ang pagbabayad ng OFWs sa PhilHealth. Gayunman, kumbinsido sina Dr. Umandap, Fos at Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA! Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) na hindi pa tapos ang laban ng mga OFW hinggil sa R.A. 11223 at IRR nito. NELSON BADILLA

 

102

Related posts

Leave a Comment