SUPER HEALTH CENTER NI SEN. BONG GO

TARGET NI KA REX CAYANONG

KAHIT nasa Senado na si Sen. Bong Go, tuloy ang healthcare services niya para sa ating mga kababayan.

Katunayan, mas lumakas pa nga ang bisyo niyang “magserbisyo.”

“Patuloy po akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot po ng aking makakaya. Sa mga itinayong Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad lalo na sa rural areas,” wika ni Go.

“It is a significant step towards enhanced healthcare services. ‘Yun po ang layunin ng mga Super Health Centers, ang ilapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno.”

Kasabay nito, binati at kinilala ng masipag na senador ang lokal na pamahalaan ng Olutanga, Zamboanga Sibugay at maging ang Department of Health (Philippines) dahil sa matagumpay nilang groundbreaking ng Super Health Center nitong Hulyo 17.

Sa pakikipagtulungan ng mga kasama niyang senador at kongresista, nakapaglaan ng pondo ang pamahalaan para makapagpatayo ng mga ito sa buong bansa.

“Ang DOH ang magiging lead implementing agency nito para alamin kung saang strategic areas dapat itayo ang Super Health Centers. Bukod sa Olutanga, magkakaroon din ng Super Health Centers sa mga bayan ng Buug, Ipil, Kabasalan, Mabuhay, at Titay,” sabi ni Go.

Samantala, nagtungo naman si Go sa bayan ng Bustos sa Bulacan upang personal na mamahagi ng tulong para sa mga residente nitong Hulyo 18.

Ginawa niya ito matapos ang pagbisita niya sa inagurasyon ng Super Health Center at pamamahagi ng relief aid sa bayan ng San Miguel.

Kung hindi ako nagkakamali, may kabuuang 1,000 Bulakenyos ang nabigyan ng food packs, vitamins, masks at pagkain mula sa tanggapan ni Go.

Aba’y tumanggap din ang ilan ng bisikleta, mobile phones, pares ng sapatos, bolang pambasketbol, volleyball, shirts, at relo.

Nagsagawa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng hiwalay na pamamahagi ng financial assistance para sa kanila.

Mayroong tatlong Malasakit Center sa probinsya ng Bulacan sa kasalukuyan at matatagpuan ang mga ito sa Bulacan Medical Center sa Malolos, Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte at Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria na laging bukas para sa mga Bulakenyong lubos na nangangailangan ng tulong medikal.

Sinabi ni Go na “Patuloy na daragdagan ang Malasakit Centers, hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan, kundi sa buong bansa upang mas maraming residente ang maabot ng tunay na serbisyo ng pamahalaan.”

Nagpakita naman ng suporta sa isinagawang pamamahagi ng tulong ng senador sina 2nd District Congresswoman Tina Pancho, Vice Governor Alex Castro, Mayor Iskul Juan, Vice Mayor Martin Angeles at ilang mga konsehal sa nasabing bayan.

44

Related posts

Leave a Comment