Panahon na upang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagtaas ng suweldo ng mga guro na kinikilala nating gabay ng susunod na mga henerasyon.
Naniniwala tayo na ang ibinibigay na malasakit at sakripisyo ng mga guro sa pampublikong paaralan ay isa sa mga pangunahing susi sa paghubog sa pagpapahalagang moral at antas ng edukasyon ng ating mga kabataan. Dapat lamang na tumbasan ito ng nararapat na benepisyo upang makaagapay sila at magkaroon ng disenteng pamumuhay ang kanilang pamilya.
Ang inihain po sa Kamara ng inyong lingkod na House Bill (HB) No. 5076 ay naglalayong maitaas ang kanilang sahod. Gusto nating bigyan ng 76% na umento ang minimum Salary Grade Level ng lahat ng public school teachers at dagdagan pa ang retirement benefits ng mga guro.
Isinusulong nating itaas ang suweldo ng mga entry level teacher – na mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 ay gagawing Salary Grade 17. Batay sa fourth tranche ng Salary Standardization Law, ang Salary Grade 11 ay nagkakahalaga ng P20,754 habang P36,942 naman ang Salary Grade 17.
Nakasaad din sa ating panukala na pagkakalooban ang mga magreretirong guro ng buwanang pensyon na hindi bababa sa 80% ng kanilang monthly average salary, allowances at iba pang benepisyo sa ilalim ng batas.
Alam natin na ang maliit na sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan ang isa sa mga dahilan kung kaya’t ang iba sa kanila ay napipilitang iwanan ang pagtuturo at mas pinipiling maging domestic helpers sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
Ang panukalang ito ay kasalukuyang tinatalakay sa working group sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. Hinihimok natin ang ating mga kapwa mambabatas na suportahan ang naturang panukalang batas upang mabigyan ng prayoridad ang kapakanan at interes ng ating mga guro.
Umaasa tayo na maipapasa ito ngayong 18th Congress sapagkat kabilang ang pagdaragdag sa sahod ng mga public school teacher sa prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang panawagan sa Kongreso noong State of the Nation Address. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
564