SWARM UMARANGKADA NA PARA SA KAPAKANAN NG MGA OFW

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NAGSUSUMBONG sa AKO OFW ang isang OFW mula sa Taif, Saudi Arabia dahil umano sa sobra-sobrang trabaho na ipinagagawa sa kanya ng kanyang employer.

Ayon kay Marjorie Badajos, dalawang bahay ang kanyang nililinisan. Kailangan maging mabilis sa bawat paglilinis ng bahay na inuutos ng kanyang amo, dahil bukod dito ay kailangan niyang asikasuhin ang pagluluto at iba pang gawain pagbalik niya sa bahay ng kanyang amo.

Ang masaklap pa nito ay hindi naman sapat ang pagkain na ­ibinibigay sa kanya kaya lagi siyang nanghihina dahil sa kakulangan ng sustansya sa kanyang katawan. Malimit ay isang beses lamang siya binibigyan ng pagkain ng kanyang amo.

Ang nakadagdag pa ng kanyang panlulumo ay ang hindi pagbibigay ng regular na buwanang sahod. Ayon kay OFW Marjorie, “Ang sahod ko po ay laging delayed at kulang sa pagkain. Wala po akong rest at halos 15 hours po ang aking trabaho”.

Si OFW Marjorie ay nakarating sa Taif, Saudi Arabia sa pamamagitan ng Myriad Resources and Services Inc. noong Setyembre 26, 2021. Labis itong nakikiusap sa kanyang ahensya na tulungan siya na makaa­lis o mailipat na lamang sa ibang employer.

Ang sumbong na ito ni OFW Marjorie ay agad nating ipinarating sa One Repatriation Command Center sa pamamagitan ni Chief Yolanda Penaranda ng OWWA.

Samantala, ating malugod na binabati si Attorney David Castillon sa matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang convention ng Special Alliance for Welfare Officers, Recruiters, Advocates and Migrant Workers Inc. (SWARM Inc.) kung saan ay unang nabigyan ng lecture ang Welfare Officers ng Philippine Recruitment agencies. Umabot sa 200 Welfare Officers ang dumalo sa convention na kung saan ay tinuruan sila ni Atty. Castillon ng tamang pangangalaga sa mga OFW na humihingi ng tulong.

Nagbigay rin ng lecture si Atty. Castillon ng tamang paggawa ng incident report at pati na rin ng paggawa ng iba’t ibang reports na kinakailangang ipadala sa Department of Migrant Workers upang ­masiguro na ang bawat pangyayari o update sa kalagayan ng OFW na humihingi ng tulong, ay agad na naipararating sa DMW at OWWA para sa monitoring ng nasabing ahensya.

Sa October 27 naman gaganapin ang ikalawang convention na kung saan ang mga may-ari naman ng recruitment agencies ang kanyang bibigyan ng lectures para sa tamang pangangalaga ng mga OFW. Isasagawa rin ang kauna-unahang paghalal ng mga bagong opisyal ng SWARM Inc. na kakatawan sa hanay ng recruitment agencies.

Inaasahang dadalo si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa gaganaping oath-taking ng mahahalal na mga opisyal ng SWARM Inc.

Ang buong pwersa ng AKO OFW ay sumusuporta sa magandang adhikain ng SWARM na mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga OFW. Tugma rin sa prinsipyo ng AKO OFW and adhikain ng SWARM dahil sa katotohanan na dapat talagang magtulungan ang ­sector ng ahensya, advocates at mga OFW.

22

Related posts

Leave a Comment