T3 SA SENADO, NAKIKITA SA 2025!

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MATUNOG na matunog ang pangalan ngayon ng mga Tulfo sa darating na eleksyon kung saan 1-2 ang posisyon ng aking mga uncle na sina Cong. Erwin and Ben Tulfo sa latest survey ng OCTA Research.

Sabi tuloy ng netizens, ito na ang umpisa ng political dynasty ng mga Tulfo. Bukod nga naman sa Senado, may Tulfo rin sa Kongreso – sina Cong. Jocelyn ng ACT CIS at Cong. Ralph Tulfo sa District 2 ng Quezon City.

Sa posibilidad na pagpasok ng 2 pang Tulfo sa Senado, maraming natuwa at nagpahayag ng pagkadismaya. Bakit daw hindi na rin tumakbo ang aking ama na si Ramon Tulfo Jr. sa Senado.

Maganda ang naging sagot ng aking ama sa netizen na nagsabing tumakbo na rin siya sa Senado. Ano na lang daw ang sasabihin ng mga tao kung pati siya ay papasok na rin sa pulitika. Kumbaga ay hinahayaan na niya sa kanyang mga kapatid ang pakikipagpambuno sa pulitika.

Pero kung titingnan nating mabuti, sa dami ng lumalapit sa mga Tulfo araw-araw, sila ang tunay na nakakaalam kung ano ang pangangailangan ng taumbayan, sila ang mas nakakaalam kung ano pa ang maitutulong sa mamamayan.

Sa akin na lang, sa dami ng nanghihingi ng tulong na mga OFW para sa kanilang mga balikbayan box, hanggang ngayon walang batas na nagpoprotekta sa kanila laban sa mga scammer na forwarding o cargo companies.

Katulad ng tumatakbong mga Tulfo sa Senado, marami na kaming nilapitan sa gobyerno na walang maitulong sa mga inilalapit namin. Kung hindi ka pagpapasa-pasahan ay papaasahin ka na meron silang ginagawa kahit wala.

Sa pagkakaroon ng mga Tulfo sa Senado, umaasa ako na mas mapadadali ang pagpasa ng mga batas o pagbibigay prayoridad sa mga dapat bigyang pansin ng gobyerno, dahil sila mismo ay naranasang paasahin at paghintayin ng mga taong nakaupo sa gobyerno.

Alam kong mas marami silang matutulungan sakaling makaupo sila sa pwesto. ‘Yun ngang wala silang pondo ay nakatutulong sila, ‘yun pa kayang meron na?

32

Related posts

Leave a Comment