TAIWANESE FUGITIVE, ROBIN HOOD SA BI

BISTADOR Ni RUDY SIM

TILA napurnada ang maitim na balak ng ilang tiwaling ­opisyales ng Bureau of Immigration (BI) na itago at ­posibleng perahin ang aksidenteng pagkakadakip sa isang maimpluwensyang Taiwanese national, na naharang ­kamakailan sa Clark International Airport habang paalis sana ito ng bansa matapos madiskubre na ito pala ay isang fugitive sa kanyang pinagmulang bansa.

Si Lai Po Ving, alias “Peter Lai”, 33-taon gulang ay napag-alamang gumamit ng iba’t ibang pangalan at tinangkang umalis at sumakay ng Tiger Airlines patungong Singapore noong October 6, gamit ang isang Turkish passport sa pangalang Lai Bulut. Paano nabigyan ito ng Special Investors Resident Visa (SIRV) kahit alam ng mga opisyales ng BI na marami itong alias na ginagamit.

“Mabait na tao,” ganito ilarawan si Lai ng maraming nakakakilala sa kanya sa ahensya at bago pa ang pandemic ay naging aktibo ang dayuhan sa BI main office upang maglakad ng papeles para sa kanilang kliyente mula sa kanyang itinayong business na Travel and Tours company sa Intramuros, Manila.

Naging paborito rin itong gatasan ng ilang mga opisyales dahil sa pagiging galante nito sa pera at pagiging matulungin sa maliliit na mga kawani ng ahensya kung kaya’t laking gulat ng mga ito nang malaman na ito pala ay nagtatago sa batas dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Hindi lamang malalaking LCD TV ang inireregalo nito sa halos lahat ng departamento sa BI kundi maging ilang truck pa ng bigas. Marami ang nakinabang kay Lai ngunit matapos itong maaresto sa Clark at dinala sa punong tanggapan ng ahensya ay isang panlulumo umano ang kanyang naranasan nang sabihan ito ng mga dati nitong ­nakatransakyon na hindi siya kilala matapos siyang pakinabangan.

Maaaring ganito talaga ang buhay kapag marami kang pera ay marami ka ring kaibigan, ngunit sa oras ng kagipitan ay bigla kang iniwan sa ere dahil lamang sa bigat ng kaso nito. Ikinalungkot din ng ilang kawani ng ahensya ang magiging kahihinatnan ni Lai sa oras na ito ay mai-deport dahil sa kanyang iiwanang pamilya sa Pinas.

Ayon sa nakalap nating impormasyon ay mayroon umanong nagtangka na arburin ang pagkaka-aresto sa dayuhan ngunit ito ay nabigo at agad na tinuluyan si Lai na ngayon ay nakapiit sa BI detention facility sa Bicutan at naghihintay na ipa-deport at i-turn over sa Taiwanese government upang kaharapin ang mabigat na parusa sa pagkakasangkot sa illegal drugs.

Nadakip ito noong October 6, pero bakit kaya tumagal pa ng October 20 bago ilabas ito sa press release?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

30

Related posts

Leave a Comment