TAKAW DISGRASYA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MAHIGPIT na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone kapag ikaw ay nagmamaneho ng sasakyan na may apat na gulong dahil maaaring sa isang iglap lang ay ­madisgrasya o makadisgrasya ka dahil nawala ang atensyon mo sa manibela.

Pero marami pa ring motorista ang lumalabag sa batas na ito dahil wala namang nanghuhuli. Saka ka lang siguro hulihin kapag nasa harap mo ang mga traffic enforcer pero sa gitna ng mga lansangan, walang nagmo-monitor.

Ang saklap lang na gawa nang gawa ng batas ang mga mambabatas pero pagdating sa implementasyon, walang nangyayari kaya parang nagsasayang lang talaga ng ­panahon at pondo ng bayan ang Kongreso.

Ang malala pa, mas maraming motorcycle rider ang gumagamit ng cellphone habang sila ay nagmamaneho kaysa mga motorista na nagmamaneho ng kotse, sa mga lansangan.

Huwag mapikon ang mga rider dahil hindi ko sila ­nilalahat pero kung malimit kayo sa lansangan at ­nagmamaneho, makakapansin at makakapansin ka ng mga rider na ­gumagamit ng cellphones habang tumatakbo.

Oo nga’t hindi nila hawak ang cellphone dahil nakakabit ‘yun sa kanilang motor pero marami kang mapapansin na tingin nang tingin sa kanilang cellphone habang nagmamaneho.

Malamang tinitingnan nila ang waze kung tama ba ang kanilang direksyon at kapag ginagawa nila ‘yan, bigla silang bumabagal sa pagtakbo at bahala na ang nasa likod nila kung magmenor o hindi.

Malimit din silang nagmamadali dahil bigla silang mag-o-overtake at magugulat ka na lang na nasa harapan mo sila kaya kapag nagmamaneho ka ngayon sa mga lansangan sa Metro Manila, dapat ang dami mong baong pasensya.

Dapat bigyan na rin ng atensyon ng mga awtoridad ang bagay na ito para sa proteksyon na rin ng mga rider at ibang tao sa mga lansangan sa Metro Manila at para mabawasan ang mga namamatay dahil sa disgrasya sa motor.

Lalong kailangang gawin ito dahil parami nang parami ang mga rider dahil base sa report ng Land Transportation Office (LTO) sa Kongreso, 12,725,305 ang rehistradong ­sasakyan sa buong bansa at alam niyo ba na 8,000,484 dito ay motorsiklo?

Taon-taon din ay parami nang parami ang aksidente na kinasasangkutan ng mga motorsiklo dahil mula sa 22,063 naitalang kaso noong 2017, naging 26,652 ito noong 2018 at noong 2019 ay umabot na ito sa 31,279.

Sa report naman ng Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) annual report ng Metro Manila Development Authority (MMDA), 154 drivers, 36 pasahero at 22 pedestrians ang namatay sa aksidente sa motorsiklo noong 2019.

Nakakatakot na lalong madagdagan ang mga kasong ito dahil marami sa mga rider ang walang disiplina sa lansangan at wala namang naninita sa kanila at hindi yata naipatutupad ang batas sa kanila.

Pansin tayon nang pansin sa mga barumbadong bus drivers, abusadong private motorists lalo na ‘yung mga back-up pa na naghahari-harian sa lansangan pero ang mga rider, wala tayong pake?

Para rin ito sa kanila kaya dapat bigyan ito ng atensyon ng mga awtoridad.

10

Related posts

Leave a Comment