TALAMAK ANG KORAPSYON SA BI PERO SI MORENTE PA RIN ANG HEPE

Badilla Ngayon
0

HINDI ko talaga maintindihan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga desisyon laban sa katiwalian at korapsyon.

Madalas niyang iligtas ang mga opisyal na ‘malapit’ sa kanyang puso at ‘malakas’ sa kanya tulad nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña na parehong nadikit sa kaliwa’t kanang katiwalian at ­korapsyon sa mga ahensiyang ­pinangasiwaan nila sa nakaraan.

Maliban kina Faeldon at Lapeña, ang isa pang malapit sa puso at malakas kay Duterte ay si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente.
Katunayan, inamin ni Duterte na “labs” niya si Morente, sapagkat “mabait” daw ang retiradong heneral na ito.

Hindi tinanggal ng pangulo si Morente, samantalang P20 milyon ang halaga ng perang pinag-uusapan sa “pastillas operation” ng mga opisyal at kawani ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Senadora Ana Theresia “Riza” Hontiveros, P10,000 ang hinihingi ng mga korap sa BI sa bawat Intsik na dumadaan sa BI sa NAIA.

Sabi ni Immigration Officer 1 Allison Chiong, nasa 2,000 ang dumarating na mga Intsik sa bansa.

Kaya, kung kukuwentuhan ay aabot sa P20 milyon kada araw ang nakukolekta ng mga korap sa BI.

Napakalaking halaga na ang napunta sa mga korap sa BI kung 2017 pa nagsimula ang P10,000 padulas ng 2,000 Intsik na dumadaan araw-araw sa mga teritoryo ng BI sa NAIA.

Ipagpalagay na isanlibo lang sa 2,000 Intsik ang ­naghahatag ng P10,000 sa mga korap sa BI, P10 milyon pa rin ang pumapasok sa kanila kada araw.

Ngunit, hindi ipinatanggal at hindi pinakasuhan ni Duterte si Morente.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi ko sinasabing na napakalaki ng parte o mayroong parte si Morente sa multi­milyong arawang padulas.

Ngunit, hindi naman makatarungang manatili pa si Jaime Morente sa BI, gayong hindi matapus-tapos ang napakatinding korapsyon sa BI sa ilalim ng kanyang liderato.

Nang maging pangulo si Duterte, ipinuwesto niya si Morente sa tuktok ng BI.

Noong Disyembre 2016, pumutok ang balitang pa­ngingikil nina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles ng P50 milyon mula sa kampo ni Jack Lam, beteranong operator ng online gambling sa bansa.

Uulitin ko, noong 2017, nagsimula ang multimilyong operasyong pastillas ng mga opisyal ng BI.

Noong Abril 2019, labinglimang South Koreans ang nagpadala ng reklamo kay Duterte at sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa pangingikil sa kanila ng 18 ahente ng BI ng P20 milyon upang hindi sila kasuhan at pabalikin sa South Korea.

Matapos itong P20 ­milyong iskandalo hinggil sa “pastillas” scheme, ano pa ang susunod na kasamaang sasambulat sa mamamayan mula sa BI sa mga susunod na buwan habang si Morente pa rin ang hepe? NELSON BADILLA

 

 

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment