TALAMPAKAN NASA UTAK!!!

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

ANO kaya ang problema ­nitong ilang ­mambabatas na paiimbestigahan daw nila kung bakit mayroong 433 na Pilipino ang nanalo sa jackpot prize ng 6/55 Grand Lotto draw?!

Ano kayang ibig palabasin ng mga mambabatas? Na mayroong anomalya sa pagkapanalo ng ating mga kababayan?

Kasalanan ba ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung marami ang tumama, gayong may mga ticket namang binili ‘yung mga nanalo?! Ang masama ay ‘yung tumama nang hindi tumataya ‘di ba? At kailangan talaga ‘yun maimbestigahan dahil bakit sila tumama nang walang biniling ticket ng lotto, pero kung may ticket naman at talagang tumama, anong masama roon?

Sabagay, paminsan para lamang mapansin, kailangan mong magkukuda ng laban sa nakararami para lang ­mapansin, at ‘yan ang ­malamang gustong gawin ng mga opisyal na mga ‘yan, kumbaga may tawag tayo r’yan. Kulang sa pansin o KSP!

Kung talagang may anomalya r’yan sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), eh, ‘di sana’y lahat ng mga ­empleyado r’yan ay mga ­milyonaryo na!

Hindi ba dapat ikatuwa na rin natin ‘yung maraming ­nanalong Pinoy sa lotto, dahil kahit papaano ay makatutulong ito sa kani-kanilang pamilya at maging masaya ang kanilang Paskong ­darating, lalo pa nga’t marami sa atin ang nawalan ng trabaho dahil sa tumamang pandemya sa Pinas at sa buong mundo.

***

PAGPASLANG SA ATING KASAMAHAN

Bakit kaya pinapaslang ng mga anak ng kuwago ang mga mensahero?!

Bakit galit kayo sa aming hanay dahil ba nabubulgar ang inyong mga kabulastugang pinaggagawa?

Si Percival Mabasa sa totoong buhay o mas kilala sa tawag na Percy Lapid ng “LAPID FIRE” ng DWBL 1242 am radio, ay in-ambush at pinaslang ng ‘di pa nakikilalang riding-in-tandem na mga suspek sa gate ng kanilang subdivision sa Aria St. sa Talon Dos, Las Piñas, ayon sa pulisya.

Iniimbestigahan na rin ng Las Piñas Police ang ‘person of interest’ na lulan ng isang Toyota Fortuner na bumangga sa likurang bahagi ng minamanehong Toyota Innova ni Percy Lapid, bago pa ang pananambang sa biktima.

Kilalang kritiko ng nakalipas na administrasyon si Percy at marami rin itong inuupakang government officials dahil sa biglaang pagyaman ng mga ito nang maupo sa nakalipas na administrasyon, bukod pa dyan ay marami rin itong mga pribadong indibidwal na ibinulgar ang mga katiwalian.

Samantala, bilang pangulo naman ng Justice Reporter’s Organization ay mariin kong kinokondena ang ginawang ito ng mga kriminal sa hanay ng mga mamamahayag, at nanawagan din ako sa mga awtoridad na madaliin ang pagresolba sa kaso ng pananambang sa aming kasamahan at mapanagot sa batas at mahubaran na rin ng maskara ang sino mang utak ng pamamaslang kay Percy Lapid.

***

DRUG TEST SA MGA ARTISTA
AT MAMAMAHAYAG?

Welcome po sa amin ang panukalang ‘yan ng Philippine National Police.

Para sa akin, kung wala kang itinatago, wala kang dapat na ikatakot ‘di ba?

Sige, ipatupad na ‘yan para magkaalaman na, kung sino talaga ‘yung mga gumagamit ng ilegal na droga.

Kaya lang, kailangang sagutin ng gobyerno ang pagpapa-drug test sa amin, at kailangan biglaan nang walang kawala ang sino mang gumagamit ng ilegal na droga na ‘yan! Lumalabas pa nga sa pahayag ng PNP na ‘di lang daw basta gumagamit kundi involved din ang ilan sa trading ng bawal na gamot ang ilang celebrities.

Lumutang ang naturang panukala matapos namang mahuli ang anak ng aktor na si Bembol Roco na si Dominic Roco sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) noong madaling araw ng Lunes.

Kasamang nasakote ng QCPD sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City ang mga kasamahan ni Dominic na sina Reynaldo Sanchez, 45; Eugene Marvin Tolentino, 27; Renz Anthony Cruz, 33, at Dexie Diamante, 21.

7

Related posts

Leave a Comment