TAMA BA ANG PANGHIHIMASOK NG ICC SA ATING BANSA?

MY POINT OF BREW

HETO na naman tayo. Bumabalik-eksena na naman ang ICC o International Criminal Court sa ating bansa upang umano’y ipagpatuloy ang imbestigasyon ng paglabag sa karapatang pantao dulot ng kampanya laban sa ilegal na droga na nangyari noong panahon ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa ICC, batay sa mga materyal na nakalap nila na isinumite ng ilang grupo sa Pilipinas, hindi raw sila kuntento sa takbo ng imbestigasyon ng ating gobyerno sa umano’y mga napatay na mga indibidwal na sangkot sa droga sa kampanya upang matigil ito.

Aysus. Ano ba ‘yan ICC? Ganun ba katalamak ang mga namamatay na kababayan natin dahil sa laban ng gobyerno sa ilegal na droga? Hindi ko alam kung ganito ang aksyon na ginagawa ng ICC sa mga bansa sa Amerika tulad ng Mexico, Colombia at maski na sa China kung saan doon umano ang ugat ng produksyon ng ilegal na droga at ibinebenta sa ibang bansa.

Nababasa natin sa mga balita kung paano magpatayan ang mga miyembro ng mga drug cartel sa Mexico at Colombia, kung sino ang dapat mamayagpag sa pagkontrol ng droga at ibenta sa ibang bansa. Parang wala akong nababalitaan na ang ICC ay aktibo upang imbestigahan ang libu-libong mga namamatay sa Mexico at Colombia. Baka takot silang pumunta doon at baka sila pa ang masampolan.

Hindi ibig sabihin nito na binabalewala ko ang mga kababayan natin na namatay sa mga operasyon na isinagawa ng ating awtoridad na kaugnay sa ilegal na droga. Nakikidalamhati ako sa kanila. Subalit kailangan pa ba ng ICC upang makamit ang hustisya sa mga inosenteng biktima noong nakaraang administrasyon?

Una, si BBM na ang namumuno ng ating pamahalaan. Kung malakas ang ebidensya laban sa mga tiwaling opisyal ng kapulisan, dapat lamang na habulin at kasuhan sila. Nakikita naman natin kung gaano seryoso sila at sa agarang aksyon sa pagresolba sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sa kaso ni Yvonette Chua Plaza kung saan matataas na opisyal ng gobyerno ang nasasangkot.

Nakapagtataka lamang ang muling pag-epal ng ICC matapos na ipagpatuloy ng bagong DILG Secretary Benhur Abalos ang puspusan na laban kontra ilegal na droga. Matatandaan na galit na galit si Sec. Abalos nang may nahuli na miyembro ng kapulisan na sangkot sa pagbebenta ng shabu sa Maynila na nagkakahalaga ng mahigit na isang bilyong piso. Hindi pa ‘yan, naaktohan pa ang ilang kapulisan na sumubok magpuslit ng ilang kilo ng shabu sa nasabing nakumpiska na kontrabando.

Nagresulta nga ito sa kanyang paghiling ng ‘courtesy resignation’ sa matataas na mga opisyal ng PNP upang simulan na ang pagreporma sa nasabing organisasyon. Tapos heto ang ICC at planong umepal sa isinasagawang kampanya ng ating pamahalaan kontra droga? Haller???

Ang ICC ay binigyan ng pagkakataon upang tignan at suriin mabuti kung may sapat na ebidensya laban kay dating Pangulong Duterte at ang ilan sa kanyang mga opisyal, laban sa karapatang pantao. Natapos ang termino ni Duterte at pinalitan ni PBBM na seryoso rin na matigil ang ilegal na droga sa ating bansa. Mali ba ‘yun?

Sa aking palagay, mas marami pang masahol na bansa kaysa Pilipinas kung pag-uusapan ay pagiging talamak sa bentahan ng ilegal na droga. Ilang mga administrasyon natin ang maaaring sisihin kung bakit lumala ang droga sa ating bansa. Heto na nga at unti-unting nagtatagumpay tayo laban dito at makikialam na naman ang ICC.

Sang-ayon ako sa sinabi ni Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile na ang ICC ay walang kapangyarihan para manghimasok sa gawain natin. “I’m telling you, as a lawyer of the President, as far as I’m concerned, I will not recognize the jurisdiction of the ICC. They have no sovereign power over us,” ang sinabi ni Enrile.

Ang hamon pa ni Enrile ay ipapa-aresto niya ang mga opisyal ng ICC kapag pupunta sila dito upang manghimasok sa ating pamumuno at pamamahala kontra ilegal na droga. Kailangan daw ay humingi muna sila ng permiso upang pumunta dito at magsagawa ng imbestigasyon.

Tama nga naman. Inuulit ko, magagawa ba nila ito sa bansang Mexico at Colombia? Eh sa China kaya? Malabong kaya nilang ipakita ang angas nila doon.

Heto lamang po. Kung wala kang koneksyon o kinalaman sa ilegal na droga, wala ka dapat ipangamba. Ganun kasimple lang po iyon. Kung ang tao, maski papaano ay nagbenta o gumamit ng droga, aba’y dapat mangamba ka. Tulad ng isang komersyal noon tungkol sa mikrobyo na maaaring maging sanhi ng sakit, ang sabi ng dating sikat na artista na endorser ng nasabing rubbing alcohol, “ang mikrobyo ay hindi bini-baby, pinapatay ito!”

62

Related posts

Leave a Comment