CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ANG tamban ay isang uri ng isda na ginagamit sa delatang sardinas, na siya namang karaniwang pagkaing Pinoy.
Oo nga, kinokonsidera ang tamban na pagkain ng mahihirap, ngunit ito ay pinakamurang pinagkukunan ng protina na kailangan ng katawan ng tao.
Kaya nais ni Senador Francis “Tol” N. Tolentino na palakasin ang produksyon ng isda, at dahil dito ay hinimok niya ang Department of Science and Technology (DOST) na bumuo ng tamban fish hatchery at palakasin ang produksyon ng nasabing isda para sa seguridad ng pagkain
Sa ginanap na budget briefing ng DOST sa Senado kamakailan ay sinabi ni Tolentino na dapat maidagdag ang produksyon ng tamban sa food security programs ng gobyerno.
May mga proyekto ang DOST para sa seguridad sa pagkain ngunit ang dagdagan ang produksyon ng tamban ay parte ng food security.
Tumpak naman siya sa sinabing delata ang pagkain ng mga Pilipino, lalo na kapag may bagyo dahil lagi itong isinasama sa relief operations.
Hinimok ni Sen. Tolentino ang DOST na makalikha ng fingerlings tulad ng bangus na mas mataas ang produksyon nang hindi na maapektuhan ng closed season na ipinatutupad ng BFAR.
Halimbawa nito ang pagkultura ng Dagupan at Pangasinan sa bangus fingerlings na mula sa Iloilo.
Mungkahi ng senador sa DOST: palawigin ang Balik Scientist Program para sa mga pananaliksik tungkol sa agrikultura at seguridad sa pagkain. Ang mga Pilipinong siyentipiko ay makatutulong para sa pagbuo ng tamban fish hatchery, paggawa ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF), at pagpaparami ng ani ng bigas at asukal.
Ayon naman sa DOST, sa pamamagitan ng Balik Scientist Program, mayroong 625 na mga Pilipinong siyentipiko na bumalik para magsilbi nang pansamantala at pangmatagalan. May 29 porsyento rito ang tumutulong para sa pag-aaral sa agrikultura at seguridad sa pagkain.
Panawagan ni Tolentino, bigyan ng puwersa ang food security, na ilang dekada nang problema ng bansa,
May biyaya sa dagat, at ang mga isda na maliit man ang turing ay mahalaga ang katumbas kung bibigyan ng atensyon ang pagpaparami ng tamban.
Ang kawan ng isda ay katumbas ng malaking tuwa at biyaya.
Bababa rin siyempre ang presyo ng sardinas, ang paborito ng masa lalo kapag may kalamidad.
Pero, hindi lang pangmahirap ang tamban. Bukod sa ginagawa ring tinapa at tuyo, masarap iulam ang kinilaw na tamban, na paborito ng mahirap man o maykaya.
417