TATSULOK

NOONG una kong marinig ang kantang ‘tatsulok” ng Buklod, ang isa sa pumasok sa utak ko ay ang mga iilang makapangyarihang tao at pamilya sa ating lipunan o yung tinatawag natin na oligarch.

Sila ay maliliit na grupo sa ating lipunan na kayang kontrolin ang gobyerno at halos lahat ng mga negosyo na mahalaga sa buhay ng mga tao ay hawak nila kaya napapaikot nila sa kanilang palad ang bansa.

Pasensya na sa Buklod na siyang orihinal na gumawa at kumanta sa makabuluhang kantang ito, pero ito ang pagkakaunawa ko: ang mga oligarch ang ibaba at itaas ang mga dukha.

Dahil sa kanilang pera, naging makapangyarihan ang mga Oligarch. Magpalit-palit man ang namumuno sa bansa, ang mga pulitiko, ay nandyan pa rin sila na komokontrol sa ating buhay.

Untouchable ang tingin ng lahat sa mga oligarch dahil bihirang magkaroon ng lider ng bansa ang kumalaban sa kanila at sinuman ang kakalaban sa kanila ay may paglalagyan.

Hindi ba noong mapatalsik si dating Pangulong Joseph Estrada sa Malacanang, ang mga Oligarch ang pinagsususpetsahang nasa likod nito?

Ganyan katindi ang kapangyarihan nang mga oligarch. Ilan lang sila sa ating lipunan pero makamandag sila at nakukuha nila ang lahat ng gusto nilang kontrata sa ­gobyerno.

Tulad na lamang ng mga Lopez na noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ay nakakuha ng kontrata tulad ng kontratra sa First Gas Power Corporation para magsupply ng kuryente.

Hindi ko sinasabi na kapalit ito sa pagsuporta ng dating chairman nang ABS-CBN na si Eugenio Lopez Jr., sa kandidatura ni Ramos noong 1992 presidential election pero nang maluklok si Tabako sa kapangyarihan naikasa ang kontratang ito noong 1995.

Pinayagan din nang gobyernong Ramos ang FGPC na magbenta ng kuryente sa Manila Electric Company ­(Meralco) na pag-aari din ng mga Lopez noong panahong yun sa loob ng 25 taon.

Hindi na maibaba ng Meralco na pag-aari ngayon ng First Pacific ang presyo ng kuryente dahil nakatali ang kontrata ng FGPC sa nasabing kumpanya hanggang 2025 kaya dusa ang mga consumers sa mataas na presyo ng kuryente.

Marami pang oligarch ang nakakakuha ng malalaking kontrata sa gobyerno, nakakautang sa mga bangko ng walang kahirap-hirap at dahil ginagawa nilang guarantor ang gobyerno.

Ang masakit dyan, kapag hindi sila makabayad, ang gobyerno ang magbabayad sa kanilang inutang at kinukuha ito sa buwis ng mamamayan at kapag ang gobyerno naman ang nagpautang sa kanila at hindi pa rin sila makapagbayad, iko-condone na lang ang kanilang utang.

Hindi iyan nagagawa ng gobyerno sa mga dukha na laging lugi at dehado sa mga oligarch na ito kaya marahil nais ng mga gumawa sa nasabing kanta na ang baliktarin ang tatsulok.

Hindi ko lang alam kung kailan ito mangyari. Kailangan mangyayari na ang mga dukha ay ilagay naman sa tuktok ng tatlusok.

DPA Ni BERNARD TAGUINOD
134

Related posts

Leave a Comment