TAYTAY PIO ISNABERA SA MGA TAGA-MEDIA?

PUNA Ni JOEL AMONGO

NAKARATING sa PUNA na kabaliktaran daw ang ugali nitong si Annie Francisco, Public Information Officer (PIO) ng Taytay, Rizal sa kanyang boss na si Mayor Allan De Leon?

Kung malapit si Mayor De Leon sa mga taga-Taytay at taga-media na nagko-cover sa lalawigan ng Rizal, ay mailap naman itong PIO niya.

Nakatanggap ng impormasyon ang PUNA, na isnabera itong si PIO Francisco sa mga mamamahayag na nagtutungo sa munisipyo ng Taytay na gustong mag-interview kay Mayor De Leon.

Hindi rin nagre-reply si Francisco sa mga text message sa kanya ng mga reporter na gustong mag-interview sa alkalde.

Kahit pa magsadya sila sa munisipyo ng Taytay, Rizal ay tila umiiwas itong si Madam PIO sa kanila.

Pakiramdam tuloy ng mga taga-media, parang mga may sakit silang nakahahawa na iniiwasan nitong si Madam PIO.

Alam kaya ni Madam PIO kung ano ang kanyang pinasok na trabaho?

‘Di ba trabaho niyang asikasuhin ang mga kagawad ng media na nagpupunta sa kanilang munisipyo.

Hindi kaya naisip ni Francisco na dahil sa kanyang ginagawa ay mapapasama si Mayor De Leon?

Hindi rin kaya naisip niya na kaya nanalong alkalde ang kanyang boss na dating barangay chairman, noong nakaraang eleksyon ay dahil mabango siya sa mga tao at taga-media?

Bata pa si Mayor De Leon, malayo pa ang kanyang mararating kung hindi siya masisira ng mga nakapalibot sa kanya.

Ang Taytay ay isa nang maunlad na bayan dahil kilala ito bilang “Tiangge Capital of the Philippines”.

Dito matatagpuan ang napakaraming tianggian ng mga damit na mabibili sa murang halaga at pawang mga dekalidad.

Kung dati ang kilalang may mga murang bilihan ng mga damit ay ang Baclaran sa ­Parañaque City at Divisoria sa Maynila, ngayon ay ang patuloy na pag-usbong ng mga ­”tiangge” sa Taytay, Rizal.

Ang maraming palengke ng mga damit sa Taytay ang nagbibigay ngayon ng ­malaking ambag sa pondo ng bayan at dito sila nakikilala sa buong bansa.

Kung magiging magaling ang mga opisyal ng bayan na ito ay hindi malayong maging siyudad ito sa susunod na mga taon.

Habang isinusulat natin ang kolum na ito ay nakatanggap ang PUNA ng impormasyon na bawal nang pumasok sa munisipyo ng Taytay ang mga taga-media.

Hinaharang sila ng security guards at hinahanapan sila ng clearance.

Ano ito, pagsikil sa ­malayang pamamahayag? Tanong ng mga taga-media.

Kung hinihigpitan na ang media sa munisipyo ng Taytay, ibig sabihin, nagtagumpay ang layunin ni Madam Francisco.

Hindi rin mangyayari ‘yan kung walang pahintulot si Mayor De Leon.

Aantayin natin ang sagot ni Mayor De Leon tungkol sa isyu na ‘yan, nasa ibaba ang cellphone number natin.

Merry Christmas po sa ating mga kababayan!

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

205

Related posts

Leave a Comment