GAGAWING industriya ang legal na marijuana. Marami ang babangka. Magsusulputan ang mga kompanya dahil malinaw pa sa sikat ng araw sa tag-init ang kinang ng ganansyang datung.
Lilikha nga ito ng trabaho ngunit, ano ang mabigat na kapalit?
Naghain ng House Bill 6783 si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace barbers, Chairperson ng House committee on dangerous drugs, na may layuning alisin ang marijuana sa listahan ng dangerous drugs sa bansa.
Sa kabila ng pagtutol ng Department of Health (DOH) dahil posible itong magdulot ng panganib sa publiko, kumpiyansa si Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez na ito ang magiging solusyon sa rice smuggling sa Pilipinas sakaling payagan ang mga magsasaka na magtanim ng marijuana, at posibleng maging exporter ng marijuana ang Pilipinas sakaling ito ay maisabatas.
Matatandaang sa naganap na pagdinig ng naturang komite, sinabi ni DOH Chief of Hospital Dr. Jose Bienvenido Leabres na may long term effects sa tao ang paggamit ng marijuana. Mataas ang tsansa o risk ng psychosis, depression, at anxiety disorders sa isang indibidwal na gumagamit ng nasabing ilegal na droga.
Bukod pa dito, takaw disgrasya din ito dahil sa “poor coordination” At “poor concentration” sa tuwing high o lango sa marijuana ang isang tao.
Iginiit ng opisyal na maaaring malagay sa panganib ang publiko kung hindi iiwasan ang paggamit nito.
Ngunit, iba ang pananaw ng mambabatas. Naniniwala ang mambabatas na hindi ang paggamit ng marijuana ang dahilan ng mga krimen dahil mas marami aniya ay dahil sa alak at iba pang ilegal na droga tulad ng shabu.
Mas delikado rin aniya sa kalusugan ng mga tao ang alak, sigarilyo, softdrinks at iba pang inumin na nakalalasing at matamis kumpara sa marijuana na nakagagamot aniya ng sakit.
Bakit pinapayagan ng pamahalaan ang produksyon at pagbebenta ng mga nasabing produkto?
Alam naman ni Alvarez ang puno’t dulo kung bakit gumagawa ng alak, sigarilyo, softdrinks at ibang inumin na nakalalasing at matamis.
Kung hindi tama, bakit dadagdagan ng isa pang mali?
Ang iaakyat sa kaban ng bayan ay malaking kontribusyon ng pagsasalegal ng marijuana. Madaragdagan ang trabaho, subalit madaragdagan din ang perwisyo.
Hindi dahilan ang patuloy na pagtangkilik sa nakasasamang produkto para isingit ang isa pang dagdag bisyo.
Kung gagamitin bilang gamot, aprub yan sa karamihan, ngunit kung gagawing libangan, sa katuwaan, ito ay magpapasimuno ng bisyo dahil wala nang hadlang o restriksyon, at wala nang pananagutan.
Kung magiging legal ang marijuana, ano ang batas na susundin sa implementasyon nito? Mahigpit na regulasyon?
Hindi pa handa ang mga Pinoy para matutunan ang tamang paggamit ng marijuana.
Wala pa sa puntong karamihan ay naniniwala o nagpapraktis ng kainaman sa katamtaman.
