BALYADOR ni RONALD BULA
SA GITNA ng suliranin kung papaano maresolba ang kakulangan ng gamot at delay na sweldo ng health workers sa Oriental Mindoro Provincial Hospital ay nakuha pa umanong bumili ng siyam na mamahaling sasakyan (Fortuner) ang Sangguniang Panlalawigan.
Taong 2019 hanggang 2021 nang mananalasa ang COVID-19 na marami ang nasawi, nawalan ng trabaho at pangkabuhayan, imbes tulungan ay bumili rin ng heavy equipment (backhoe at dump truck) ang provincial government na ayon sa ulat, gumastos ng mahigit P60-milyon?!
Mainit din na pinag-uusapan ngayon sa loob ng KAPITOLYO ang problema kung paano matulungan ang mahihirap na apektado ng malawakang baha.
Ayon sa natanggap nating reklamo, wala umanong pakundangan sa paggasta ng pondo sa walang kabuluhang mga sasakyan, lalo’t isa umano ang nasabing probinsiya sa umano’y problemado kung paano makalilikom ng pondo para mabayaran ang diumano’y pagkakautang sa kumpanya na supplier ng gamot.
Sabi ng nagrereklamo, sana ginamit na lang ang milyones na pondo sa pagpapagawa ng kalsada, pagpapatayo ng karagdagang ospital, pagpapatayo ng eskwelahan, ayuda sa mga mag-aaral, tulong sa mga senior citizen at ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Ipinakita lamang umano ng Pamahalaang Panlalawigan at SP ang kawalan ng konsensya lalo na sa panahon ng pandemya na hindi pa nakababangon ang maraming Mindoreño mula sa nagdaang malalakas na bagyo.
Dapat nakatutok ang Pamahalaang Panlalawigan at SP sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap.
‘Di ba ang utos ng Republic Act (RA) No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, tulungan ang mamamayan na naghihikahos pero mukhang kabaliktaran yata ang ginawa ng maluluhong mga opisyal na tila ba mga “Asyong Aksaya”?
Oo nga at sinasabi ng Republic Act (RA) No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, na otorisado ang lahat ng pamahalaan na i-re-allocate, i-reprogram at i-realign ang pondo o budget para gamitin pero hindi sa panahon ng pandemya.
