TIPS SA MGA GIPIT

CLICKBAIT Ni JO BARLIZO

WALA namang pagpipilian ang maraming Pilipino kundi pagkasyahin ang nasa bulsa para kahit paano ay maging masaya sa paghihiwalay ng taon.

Hindi kailangan ng mga Pinoy ang payo ng pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association na dapat gumawa ng listahan ang mga mamimili upang mas makatipid at hindi basta-basta kumuha ng mga produkto.

Mas lalong walang ­saysay ang listahan nila na pwedeng ipahiram sa mga customer na naglalaman daw ng tips na maaaring sundin sa pamimili partikular ngayong selebrasyon ng Bagong Taon.

Mayroon pa ring mabibili na mura sa supermarkets, ngunit sapat pa ba ang supply at kakailanganin ba ang mga murang produkto sa ­paghahanda para sa Media Noche?

Ang suhestiyon ng grupo ay “alibi” lamang sa taas-presyo ng mga bilihin mula noong Nobyembre.

Ang totoo, karamihan sa mga Pilipino ay natatagalan sa pamimili dahil ikinukum­para nila ang mga presyo ng mga produkto at pipiliin ang mas mura.

Dahil ‘yan sa hirap ng buhay na kahit pansamantala ay hindi kayang takpan sa panahong ipagdiriwang ang Bagong Taon nang may kasiyahan at hilaw na ­kasaganaan at mababaw na karangyaan.

Dahil gusto nila, masaya ang pamilya.

Sabagay, pwede na sigurong magluto ng spaghetti na walang hotdog, walang sibuyas, na ang isang kilo ay mahal pa sa sahod ng ordinaryong trabahador.

‘Di ba nauna nang binatikos ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa press release nilang kakasya na ang P500 budget para magkaroon ng disenteng pang-Noche Buena ang isang pamilya.

Maging maparaan lang daw at huwag mapili sa brands, huwag mapili ang mga Pilipino sa kung anong klaseng luto o timpla ang ­kanilang ihahain sa pamilya.

Gayundin ang lagay sa Media Noche.

Walang masama kahit ano ang handa sa Bagong Taon. Ang masama ay ikondisyon ang mga Pilipino na maayos pa rin ang kalidad ng pamumuhay kahit pinipilit na pagkasyahin at magtipid sa gastusin.

Kaya nating malagpasan ang hirap basta huwag lang susuko.

Ngunit magtitiis na lang ba tayo sa sitwasyong hindi dapat nararanasan?

Sabagay, karamihan sa mga Pinoy ay haharapin daw ang bagong taon na may ­pag-asa. Kaya hindi ­nakapapanatag kundi panunuya na ipilit sa mga tao na magkasya sa kahit anong mayroon at magtiis (o pinagtitiisan) kung ano ang dikta ng kabuhayan.

Kaya ‘yan, maging maparaan lang. Ganu’n?!

Happy New Year!

28

Related posts

Leave a Comment