TIWALING PULIS, SIBAKIN!

PUNA ni JOEL AMONGO

KUNG ayaw sumunod sa itinatadhana ng chain of command o mandato na “To protect and to serve” sa sambayanang Pilipino, ang mga kagawad ng pulisya ay ‘wag panghinayangang sibakin sa kanilang serbisyo.

Bakit natin sinabi ‘yan? Dahil sisirain lang nila ang buong hanay ng pulisya na naglalayong ibalik ang tiwala ng publiko sa PNP.

Kahit ano pang pagsisikap ng pamunuan ng PNP na maging maayos ang kanilang serbisyo sa taumbayan, kung mayroong ibang kasapi nito na pawang pansariling interes lamang nila ang kanilang ginagawa, ay hindi ninyo makakamit ang inyong gusto.

Hindi pa man nabibigyan ng solusyon ang kontrobersiyang kinasasangkutan nina P/MSgt. Rodolfo Mayo, Jr., P/Lt. Gen. Benjamin Santos at P/BGen. Narciso Domingo na 990 kilos ng shabu na natuklasan sa WPD Lending Company, ay nabalot na naman sa isa pang kahihiyan ang PNP.

Ito ay matapos na masangkot ang lima na namang kagawad ng Manila Police District (MPD) sa robbery extortion sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila.

Sa natanggap nating impormasyon, nangyari ang insidente dakong alas-11:20 ng gabi noong Hulyo 11, 2023 sa nabanggit na establisyemento.

Ayon sa ulat ni Hermenigildo Mateo, may-ari ng computer shop, anim na armadong suspek na naka-sibilyan ang pumasok at nagpakilalang mga pulis na sinabing magsasagawa sila ng operasyon laban sa illegal online gambling.

Hiningi ng mga ito ang pera ng establisyemento na nagkakahalaga ng P40K mula sa may-ari nito kapalit ng kondisyong hindi siya aarestuhin sa illegal gambling.

Hindi pa nakuntento sa hininging P40K ang mga suspek ay gusto pa nilang magbigay ng P4K kada Biyernes ang may-ari ng computer shop bilang protection money.

Ayos kayo mga boy, ano ha!? Pakiramdam n’yo kayo lang ang mga awtoridad sa Pilipinas, at hindi kayo matitiklo.

Kinuha rin ng mga ito ang P3,500 cash mula sa counter table at isang 500 GB Hard Disk Drive na naglalaman ng CCTV footage ng computer shop bago sila umalis.

Matapos na matanggap ni P/BGen. Andre Dizon, director ng MPD, ang reklamo ay agad niyang ipinag-utos ang pagbuo ng special investigation team para magsagawa operasyon laban sa mga suspek.

Kaya hayun, timbog sina P/SSg. Ryann Paculan Tagle, P/SSg. Jan Erwin Isaac Santiago, P/Cpl. Jonmark Dabucol Gonzales, Pat. John Lester Reyes, Pat. Jeremiah Sesma, at Monay Martinez, isang civilian asset na nasa computer shop.

Ang mga nahuli ay pawang mga miyembro ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District.

Baka ang pagkakaintindi nila sa DPIOU ay District Police Intelihensiya Operation Unit ng MPD. Galing!

Dapat sa kanila, Gen. Dizon, sir, mahubaran ng kanilang mga uniporme at chapa, pakisiguro n’yo na rin, na madis-armahan sila ng kanilang mga baril.

Lalo kasing magwawala ang mga ‘yan ‘pag nasibak sila sa serbisyo, noon ngang dating mga miyembro pa sila ng PNP ay hindi sila nanghinayang na gumawa ng kalokohan, lalo pa ngayon na magiging ordinaryong sibilyan na sila.

Ang katulad nila ang sumisira sa inyong hanay na patuloy n’yong sinisikap na maiangat ang tiwala sa inyo ng taumbayan.

‘Wag n’yo pong panghinayangan na masibak sila sa serbisyo dahil sila ang “bad eggs” na nahalo sa “good eggs”.

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

135

Related posts

Leave a Comment