TOGA MUNA BAGO TRAJE DE BODA

0

MAY magulang na naringgan ko na sinabihan ang kanyang dalagitang anak ng “uy, toga muna ha, bago ­trahe de boda” dahil nakatutok ang bata sa social media, hindi para mag-aral, kundi nakikipag-chat lang naman.

Alam ni nanay na ang ka-chat ng kanyang anak ay ang kanyang manliligaw, kaya panay ang paalala nito sa dalagitan n’ya na magtapos muna ng pag-aaral bago mag-asawa, o magsuot muna ng toga bago trahe de boda.

Hindi ko masisisi si nanay dahil sa panahon ngayon, ­parami nang parami ang mga batang nag-aasawa nang wala sa oras.

Imbes na mag-aral muna, nag-aalaga na ng kaniyang anak.

Bumilis ang takbo ng buhay dahil sa internet.

Dahil sa facebook at iba pang social media platform ay madaling makita ang mga taong hinahanap mo.

Ngayon, ang ligawan ay kasing bilis ng kidlat.

Hindi tulad noong panahon namin na penpal lang ang ­tanging komunikasyon ng mga nagliligawan.

Lingguhan kung sumagot ang sinulatan, o ka-penpal, mo.

Pero, dahil sa internet, ­segundo lang ang aantayin mo bago ka ireply.

Kapag nagreply sa ‘yo, may pag-asa at d’yan na magsisimula ang ligawan.

Segundo lang ang kailangan.

Hindi tulad noong panahon ng penpal.

Lalong nagkaroon ang kabataan ng panahon sa internet sa napakahabang lockdown dahil sa pandemya sa COVID-19.

Naparami nilang nakilalalang virtual friends na karamihan ay bad influence sa kanila.

Dahil d’yan, hindi na ako nagtaka na ­maraming kabataan ngayon ang ­nag-aasawa nang wala sa oras.

Nanganganak na hindi pa handa ang katawan, isip at pinansyal na aspeto.

Base sa census ng ­Philippine Statistics ­Authority (PSA), sa 108 milyong populasyon ng Pilipinas, 21 milyon ang kabataan.

Lumabas naman sa isang committee hearing sa Kamara de Representantes na kada araw ay mayroong 576 kabataan ang nanganganak.

Nangangahulugang 24 babies ang ipinapanganak kada oras sa Pilipinas ng mga batang ina, o isang baby bawat 2.4 minuto.

Isang seryosong problema ito na hindi dapat ipagsawalang bahala.

Isa ‘yan sa mga negatibong epekto ng social media sa buhay ng kabataan ngayon.

Maganda ang social ­media dahil bumilis at napagaan ang trabaho ng lahat, pero maraming masamang epekto, lalo na sa kabataan.

Anong mangyayari sa buhay ng mga bata kapag nag-asawa at nanganak sila nang wala sa oras?

Masisira lang ang buhay nila dahil hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral, kaya lalo silang mababaon sa hirap.

Okey lang sana kung ­seryosohin at pakasalan sila ng tatay ng kanilang anak, pero ­kahit mangyari ‘yan, anong buhay naman ang naghihintay sa kanila kung pareho silang hindi handa?

 

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment