TOTOO ANG OPLAN BAKLAS

HINDI na bago ang diskarteng pilipit sa larangan ng pulitika – batuhan ng putik, pagkakalat ng fake news, walang prenong patutsada, below-the-belt na puntiryang halaw sa kathang-isip lang nila, at gitgitan sa entablado ng makabagong panahon, ang social media.

Kung tutuusin, malaking bentahe ang social media lalo pa’t limitado na ang personal na pangangampanya, bagay na tila sinakyan ng mga taong nasa likod ng mga kandidatong kursunada, sa hangaring makapwesto at makapagsamantala sa sandaling ma­luklok sa pwesto ang manok nila.

Ang totoo, matagal nang kalakaran ang isinawalat ng isang kontrobersyal na abogadong kandidato. Ayon kay Larry Gadon, may sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal ng Facebook Philippines at ng kampo ng aspiranteng si Vice President Leni Robredo.

Bigla kong naalala ang isang kaibigang alkalde ng isang mayamang bayan sa isang karatig lalawigan ng Metro Manila. Sa isang simpleng kwentuhan namin ng kanyang tauhan, nagawi ang aming usapan sa pulitika.

Sabi ko sa kanya, ma­kakatipid na ang amo niya sa inilabas na kalatas ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng limitadong pangangampanya.

Ang kanyang tugon – “Hindi kuyang, mas napamahal pa nga si boss.”

Dito na niya ikinuwento ang malaking gastos sa social media. Bukod aniya sa mga bayarang trolls na kanyang pinangangasiwaan, pinaglalaanan din aniya ang pagpapatanggal ng Facebook accounts at pages na kontra sa kanila.

Nang mabasa ko ang pangalang inilaglag ni Gadon na ‘di umano’y kasapakat sa planong “take down” ng social media accounts ng mga kilalang tagasuporta ng isa pang kandidato sa posisyon ng Pangulo, bigla akong napa­bulong – hala, totoo pala ang kwento sa akin ng maldita!

Hindi pipitsugin ang mga nilaglag na pangalan – pa­wang de kalibre. Kabilang sa kanyang pinangalanan sina Chris Kuzhuppily, ­Philippine public policy ­manager ng FB; Roy Tan, politics and government outreach ­manager for Asia Pacific; at Kylie Mooney, government, politics and advocacy partner manager.

Isang araw makalipas ang pasabog ni Gadon, itinanggi ng Facebook ang umano’y pulong sa kampo ni Robredo.

Sa isang banda, pwedeng tama silang walang naganap na pulong saan mang lupalop ng bansa. Pero dahil sa ­makabagong teknolohiya, lahat posible na – ang klase sa eskwela online na, ang mga pagdinig sa korte google meet lang ang katapat, ang ­sesyon sa Senado at Kamara at ­maging ang cabinet ­meeting ng Pangulo sa Palasyo virtual na rin.

Hindi ako fan ni Gadon.

Ang totoo, asar ako sa kanya dahil sa ginawang lantarang paglapastangan sa isang ­kapwa peryodista. Pero sa ­unang pagkakataon, ­naringgan ko ang ­kontrobersiyal na abogado ng isang pahayag na wari ko’y may basehan.

Sa ganang akin, hindi angkop na tanggalan ng entablado ang sinumang nag­susulong ng kursunadang kandidato. Naniniwala akong ang bawat isa’y may karapatan at kakayahang kumilatis ng karapat-dapat na mamuno ayon sa pamantayang swak sa panlasa ng mga Pilipino.
(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

81

Related posts

Leave a Comment