TOUCHPAY CREATOR MEPS NABIKTIMA NG FAKE NEWS

PRO HAC VICE BERT MOZO

HINDI na bago sa ating pandinig ang fake news. Kahit sa social media ay nagkalat ito.

Pati nga raw ang Manila Express Payments Systems (MEPS) ay nabiktima rin ng pekeng balita.

Aba’y napaulat daw kasi na nakipag-ayos na ang MEPS sa BTI-Philippines Inc. (BTI), bagay na mariing pinabulaanan ng kompanya.

Kabilang pala ang BTI sa mga inakusahan ng MEPS na nangopya ng modelo ng kanilang kiosk machines.

Paborableng ruling naman ang nakuha ng MEPS mula sa Arbitral Tribunal ng Philippine Dispute Resolution Inc. (PDRI).

Ayon sa arbitral body, napatunayan na ang BTI na pinamumunuan ni Danilo Ibarra, ay nakipagsabwatan sa Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP) sa pamemeke raw ng registered utility model ng kompanya.

Matindi kasi ang ginawa raw ng BTI at E-TAP. Mantakin ninyo, ikinabit daw pala ang kinopyang modelo sa makina ng BTI at sa sarili nitong sistema gamit ang brand name na “Pay&Go”.

Buti na lang at pumabor naman ang dispute body sa MEPS matapos atasan ang BTI na bayaran ang kompanyang MEPS ng higit P13.4 milyon bilang danyos.

Sa kabilang banda, umapela ang MEPS sa usapin. Sa kabila nga raw kasi ng findings ng arbitral body na ang BTI ay nangopya ng makina katuwang ang E-TAP, aba’y bigo pa rin itong igawad ang daan-daang milyong pisong claims nila.

Hindi lang naman ang BTI ang kinasuhan ng MEPS. Sa hiwalay na usapin, may infringement case din na inihain ang MEPS laban sa E-TAP sa Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Branch 258.

Dulot ng mga pagsalakay ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division o NBI-IPRD noong 2021 na nagresulta sa pagkakasabat ng ilang automated payment machines na may label na “Xytrix” / “ZoomPay” machines na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation o Xytrix at pinagagana ng E-TAP, nakakita raw ng sapat na batayan ang Muntinlupa RTC Branch 203, sa pamamagitan ni Judge Myra Quiambao, para mag-isyu ng warrant of arrest laban dito.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong Unfair Competition sa ilalim ng Republic Act No. 8293 si Danilo Evangelista at iba pang mga opisyal ng Xytrix na isinampa pa rin ng MEPS.

200

Related posts

Leave a Comment