TRABAHO, HINDI AYUDA

0

HINDI solusyon ang ayuda sa problemang dala ng pandemya. Pero ‘yan ang giit ng ­gobyerno sa nakalipas na 18 buwang lugmok ang bayan sa gutom, sakit, pagkabalisa, kawalan ng trabaho, bagsak na negosyo, lumobong utang ng gobyerno at iba pa.

Batay sa mga pag-aaral ng mga ekonomista, ang pagpapatupad ng lockdown ng gobyerno ang siyang sanhi ng kawalan ng trabaho – mas mahigpit, mas gipit.

Sa datos ng gobyerno, nakapagtala ng 6.9% low employment rate para sa buwan ng Hulyo. Hindi naman ito nakagugulat lalo pa’t galing ito sa 17.6% na naitala noong buwan ng Abril ng nakalipas na taon. Ito ang panahong pinakamahigpit ang ipinatutupad na lockdown sa buong bansa.

Katwiran ng gobyerno, mas maiging mag-ingat.

Pagsapit ng buwan ng Hulyo 2020, bahagyang bumaba sa 11.8% ang unemployment rate bunsod na rin ng pagluluwag sa ipinatutupad na community quarantine. Ito ang panahong pinayagan ang limitadong operasyon ng dalawang pinakaimportanteng aspeto ng ekonomiya ang negosyo at transportasyon.

Sa paglipas ng buwan, unti-unting umusad ang kabuhayan. Maraming negosyo ang ­nakasilip ng pag-asang makababangon sa pagkaluging ­inabot sa mga panahong ‘di sila makapag-­operate. Kasabay ng unti-unting pagsigla ng negosyo at ang muling pagkakaroon ng trabaho.

Gayunpaman, muling nalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino bunsod ng pagbabalik ng mas mahigpit na community quarantine nitong buwan ng Agosto. Tugon ng gobyerno, ayuda sa mga apektado.

Susmaryosep naman mahal naming Pangulo! Maski ang mga Ilokanong kilalang matipid sa paggastos alam na ‘di sapat ang ipinagmamalaking P4,000 kada pamilya para sa dalawang buwang nakatengga ang inaasahang trabaho.

Ang masaklap, tila pitik-bulag ang polisiya ng administrasyon bunsod ng biglang bawi ng idineklarang pagluluwag pagsapit ng buwan ng Setyembre. Dangan naman kasi, akala ng mga negosyante, makapag-ooperate na sila ulit matapos ang mahigit dalawang buwang sarado ang kanilang negosyo.

Maging ang mga empleyado nila, dismayado sa pag-aakalang muli na silang makapagtatrabaho.

Maski wala nang ayuda. Basta’t may trabahong pagkukunan ng salaping tugon sa pangangailangan nila.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment