TRABAHO PARA SA MILYONG PABALIK NA OFWs

AKO OFW

HANDA na ba ang ating bansa sa pagbabalik ng isang milyong overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa ibang bansa? Nakababahala talaga ang report na ito ng Department of Labor and Employment  (DOLE) .

Sa nakaraang House committee on overseas workers  affairs meeting ay ibinunyag ni DOLE–International Labor Affairs Bureau (ILAB) Chief Alice Visperas na aabot sa 1,005,031 ang bilang ng OFW na mawawalan ng trabaho.

Ayon sa report ni Visperas, “The sea-based OFWs are 40 percent, while the other 60 percent are land-based. By the agency’s projection, the number will rise to 609,317 by December, 2020; 846,429 by June, 2021; and 1,005,031 by December, 2021.Of the final figure, 32,474 OFWs will have come from Asia; 170,526 from Europe and the Americas; and 801,531 from the Middle East.”

Lubha akong nabahala noong nakita ko ang report na ito. Naitanong ko agad sa aking sarili kung ano ang magiging kinabukasan ng mga uuwing OFW sa Pilipinas.
Sa aking karanasan, noong ako ay umuwi ng Pilipinas ay nahirapan din akong mag-isip ng hanapbuhay o negosyo na aking sisimulan. Hindi biro ang magsi mula ng isang negosyo lalo na kung hindi mo kabisado kung ano ang papatok sa  merkado .

Idagdag pa rito ang kakulangan ng mga dokumento na hinihingi ng mga pribadong banko para ikaw ay makapagsimula sa negosyo kung kulang sa kapital. Bago kasi aprubahan ng bangko ang ‘capital loan’ ay hinihingi agad nito ang mga dokumento na nagpapatunay na mayroon kang ‘source of income’. Gayun kung ikaw ay retirado o natanggal na sa trabaho sa ibang bansa ay hindi mo naman maipapakita ito sa bangko dahil mistula itong walang saysay.

Mabuti na lamang at mayroon ng mga ahensya ng gobyerno na katulad ng Department of Agriculture (D.A) na naghanda ng kanilang programa nang pagpapahiram ng puhunan para sa mga OFW.
Sa ilalim kasi ng mga programang Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) – Kapital Access for Young Agripreneurs (KAYA) at  Agri-Negosyo (ANYO), naglaan ito ng malaking halaga para sa mga OFW na gustong magbalik sa probinsiya sa larangan ng pagsasaka at pangingisda.

Habang ang OWWA naman ay naglalaan na rin ng pondo at programa para sa ‘reintegration program’ nito para sa mga aktibong miyembro.

Ngunit, ito na nga ba ang  tamang tugon para sa pangangailangan ng isang milyong OFW na pauwi na ng  bansa? Marami ang mga OFW ang nagsasabi na hindi sa pagbubukid ang kanilang linya, dahil ang kanilang kasanayan na nakalap sa ibang bansa ang dapat pagtuunan ng ating gobyerno.

Marahil ay dapat na muling pag-aralan ang mga programang pangkabuhayan na i-aalok sa mga OFW.

Kabilang na rito ang pagbubukas ng pintuan para sa mga OFW na pasukin ang pagkontrata sa mga build, build, build project ng Department of Public Works and Highways .

Maraming mga OFW ang may magagandang kasanayan sa construction industry sa ibang bansa. Maaaring sila ay muling pagsama-samahin sa estilong kooperatiba at hayaang makapasok sa pangongontrata sa lahat ng proyekto ng ating gobyerno.

Isa pa sa maaaring ialok sa mga OFW ay ang pagtatayo at pamamahala ng mga OFW Hospitals na pamamahalaan ng mga uuwing OFW mula sa health sector.

Kabilang din sa ikonsidera ay ang pakikipag-ugnayan ng DOLE at OWWA sa Department of Education (DepEd) upang mabigyan ng pagkakataon ang mga uuwing OFW na makapagnegosyo sa loob ng bakuran, public schools katulad ng mga food kiosk, bake shop, kantina at iba pang mga negosyo.

141

Related posts

Leave a Comment