TRAPIK ‘DI MARERESOLBA SA PUVMP KUNG…

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG wala na talagang atrasan ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), dapat dito isabay ang pagtatayo ng mga lugar kung saan pwedeng magsakay at magbaba ang mga tsuper ng mga modernong sasakyan.

Bukod sa nais umanong mabawasan ang polusyon na dulot ng mga traditional jeep na pawang mga second hand ang makina at mga piyesa, ay maisaayos ang daloy ng trapiko dahil alam naman natin na karamihan sa mga tsuper ng pampasaherong jeep ay walang disiplina sa kalsada.

Kahit saan ay nagsasakay at nagbababa sila ng pasahero, walang galang sa batas trapiko at walang pakialam sa mga kapwa motorista kaya malaki rin ang kontribusyon nila sa lumalalang trapik sa Metro Manila.

Kung manggitgit ay walang pakundangan dahil alam nila na mas matibay ang kanilang sasakyan kaya ikaw na lang ang magpapasensya. Parang aral sa kanila ang motorcycle riders na wala ring disiplina sa kalsada.

Maaaring masasaktan ang mga tsuper at operators sa pitak na ito pero ‘yan ang naghuhumiyaw na katotohanan kaya marahil isa iyan sa dahilan kung bakit nais ng gobyerno na tanggalin na sila sa mga lansangan at palitan ng mga modernong jeep.

Pero kung hindi sasabayan ng pagtatayo ng mga designated area kung saan puwede lang magsakay at magbaba ang mga modernong jeep at maturuan ng good manners ang mga tsuper ng mga modernong pampasaherong jeep na ito, wala ring mangyayari…hindi mareresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Napapansin ko kasi na kahit saan ay nagsasakay at nagbaba rin ang mga tsuper ng mga modernong jeep, este minibus pala. Wala ring disiplina ang karamihan sa mga tsuper at dahil mas malaki sila ay nanggigitgit din sila.

Wala silang ipinagkaiba sa karamihan sa mga tsuper ng mga traditional jeep kaya dapat isabay na lahat ng mga programa para sa maayos na daloy ng trapiko kung talagang nais ng gobyerno na maisaayos ang trapiko.

Hindi puwedeng paisa-isa ang mga programang ipatutupad. Ipatutupad muna ang main program at kapag may nakitang kulang saka ihahabol. Hindi ko alam kung sinasadya para kunwari meron silang ginagawa.

Turuan ding maging disiplinado ang mga tsuper ng mga modernong jeep at kailangan ding madisiplina ang mga lumalabag sa batas trapiko tulad pagdidisiplina sa mga pribadong motorista.

Bihira kasi tayong makarinig na may mga nadisiplinang tsuper ng mga pampasaherong sasakyan. Puro mga pribadong motorista ang naparurusahan kapag lumabag sila sa batas trapiko.

Meron na bang datos ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga tsuper ng mga pampasaherong jeep na lumabag sa batas trapiko o naging dahilan ng pagbagal ng daloy ng mga sasakyan dahil sa pagbaba at pagsakay kahit saan?

Kung meron man, ilan? Kasama ba sila sa no-apprehension policy at ang mga mahuhuli sa nagkalat na mga CCTV sa mga lansangan ay pinadadalhan ng traffic violation ticket sa address ng may-ari ng sasakyan?

189

Related posts

Leave a Comment