TRAVEL AGENCY NA SANGKOT SA KATIWALIAN, SANTA CLAUS NGAYON SA BI

MATAPOS masangkot ang ilang accredited travel agencies sa pagpapalusot ng illegal Chinese POGO ­workers sa airport ay ­muling inatasan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra ang NBI na bantayan at silipin ang galaw ng isang travel agency na ginagamit bilang dummy nina alias “Anna Sisi” at “Betty Chuwawa”.

Ayon sa ating nakalap na impormasyon, ginagamit umano ng isang beteranong baklitang opisyal ng BI ang pagiging malapit nito kay Sec­retary Guevarra upang makontrol nito ang operasyon sa airport sa pamamagitan ng pagpapalusot sa bansa ng mga Chinese kahit peke ang mga dokumento nito.

Isang alias “Hazel Bomba” at “Datu Puti” umano na pa­wang mga tauhan ng BI sa airport, ang nagmamaniobra sa nangyayaring mga iligal na aktibidad dito sa utos na rin ng isang mataas na opisyal.

Bukod sa operasyon sa airport ay hawak din umano sa leeg ng baklitang opisyal ang isang intelligence officer ng Intelligence Division na si alias “Spider-Man” upang maprotektahan ang illegal Chinese POGO workers na hindi hulihin at ipa-deport kung saan ­kamakailan lamang ay ibinenta umano nito ang operasyon ng intelligence na nauwi sa walang nahuli. Aba eh mabuti pa pala noong panahon ni Atty. Licas at walang ahas sa Intelligence Division.

Kaugnay nito, pinaniniwalaang babaha na naman ang suholan sa BI Accreditation Unit ngayong Kapaskuhan mula sa isang travel agency na nais makapag-renew ng kanilang lisensya sa susunod na taon.

Isang travel agency umano na hindi nakapag-renew ng kanilang lisensya dahil nasangkot ito sa pamemeke ng mga dokumento at denied ang kanilang aplikasyon kay BI Accreditation Unit Chief Atty. Archimedes Cano, ang aktibo pa rin na naglalakad ng mga papeles ng mga dayuhan sa ahensya at maging sa pagpapalusot ng mga Chinese sa airport.

Dapat maging alerto itong si Cano sa pagtanggap ng regalo mula sa mga travel agency na may kaso ng katiwalian dahil ang kapalit nito ay ang maaaring pag-apruba sa susunod na taon upang sila’y mabigyan muli ng lisensya at mawalang parang bula ang kaso ng katiwalian.

Kahit iligal na nag-operate ang travel consultancy agency ng isang Chinese na may tanggapan malapit sa BI main office, ay patuloy pa rin ang iligal na aktibidad nito sa NAIA sa pakikipagsabwatan sa isa pang immigration officer na mayroong asawang aktres. Sino siya? ABANGAN!!

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

43

Related posts

Leave a Comment