TUGON NG LGU SA NAGREREKLAMO

HABANG abala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa propaganda… este, pagpapaganda ng Manila Bay kung saan mamamasdan ang nakamamanghang ­pagl­­ubog ng araw sa tuwing sasapit ang dapit-hapon, abala naman sa pagwasak ng kalikasan ang ilang local government officials sa bayan ng Bagac sa lalawigan ng Bataan.

Dangan naman kasi, kabi-kabila ang pangangalakal ng mga anyong tubig kung saan may tila walang humpay na pagmimina ng tinatawag na black sand na gamit ng ­construction companies sa iba’t ibang imprastraktura.

Ang siste, pawang local permits lang ang hawak ng mga kumpanyang nuknukan ng galante sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan – lalo pa’t nahaharap na naman sa malaking gastusan ang mga hihirit pa ng dagdag termino sa nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon.

Ayon sa mga eksperto, hindi nakabubuti ang pagka­kalkal ng higit pa sa balik at basurang nasa sahig ng sapa, ilog, lawa, laot o kahit pa karagatan. Anila, nagbubunga ng masamang epektong tinatawag na ecological imbalance kung saan apektado ang iba pang organismong may buhay na nabubuhay sa daluyan.

Ang masaklap, hindi lang “living organisms” sa mga ilog at sapa ng Barangay Pag-asa (Bagac) ang apektado. Pati ang mamamayan ng nasabing barangay, napeperwisyo.

Ang higit na nakaba­bahala ay ang tugon ng gob­yerno nang idaing nila ang dulot na perwisyo. Pasaring sa mga taga-Barangay Pag-asa – lumipat na lang kung sila’y napeperwisyo!

Sa wari ko, pinoprotektahan ng kung sinong kumag diyan sa munisipyo ang interes ng kanyang kasosyo sa negosyo.

Susmaryosep! Hindi is­kwater ang mga dumudulog ng reklamo. Sila’y pawang lehitimo sa nasabing barangay na halaw sa dalawang bar­yong pinag-isa – ang Barrio Wawa at Barrio Sibacan. Sila yaong nagbabayad ng buwis kung saan nagmumula ang ­salaping ginagastos ng ­gobyerno. Sila rin yaong botanteng hinihingan ng boto.

Hindi masama ang pagmimina kung ilalagay sa tama. Pero sa kaso ng Bagac, tila wala na ito sa mapang saklaw ng DENR. May sarili itong polisiya sa hangaring magtamasa sa operasyon ng pagmimina – sukdulang mawasak ang kalikasan, ang mga kabahayan, ang kabuhayan at maging ang mamamayan.

Bakit nga naman hindi palalayasin ang mga ­nagrereklamong residente ng Barangay Pag-asa kung sa mining operation naman sila tumitiba?

Panawagan kay Bagac Mayor Ramil del Rosario, solusyunan ang hinaing ng mga lehitimong residente ng kanyang bayan, lalo pa’t nalalapit na naman ang halalan.

2

Related posts

Leave a Comment