TARGET NI KA REX CAYANONG
AGAD na tumulong ang Office of the Vice President (OVP) sa Barangay Longos, Zapote III, Bacoor, Cavite noong Setyembre 11.
Ito’y matapos ang malagim na sunog na tumupok sa maraming kabahayan.
Sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap ng OVP-Disaster Operations Center (OVP-DOC) at Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), naipamahagi ang 686 relief boxes sa mga pamilyang naapektuhan.
Kasama rito, naipagkaloob ang mga donasyong produkto mula sa mga kasosyo ng OVP, kabilang ang 30 grocery bags para sa senior citizens, 1,790 canned goods, 60 packs ng biscuits, 704 piraso ng diapers, 80 packs ng sabon na may toothpaste, at 59 packs ng toothpaste.
Ang mga biktima ng sunog ay pansamantalang nananatili sa 12 evacuation centers sa Bacoor, Cavite.
Higit pa rito, noong Agosto 13, 2024, nagsagawa ng PagbaBAGo Distribution ang OVP sa Pangasinan Satellite Office (SO) sa Bued Elementary School, Calasiao, Pangasinan.
Naglaan ang OVP ng 215 bags sa mga estudyanteng nasa Grade 1 hanggang 4, kasama ang mga guro at kawani ng paaralan sa pamamahagi.
Ang kasiyahan ng mga estudyante, na makikita sa kanilang maliliwanag na ngiti habang tinatanggap nila ang kanilang mga bag na may lamang gamit pang-eskwela at dental kit, ay nagsasalamin ng kanilang pag-asa at pananabik sa mas maliwanag na hinaharap sa kanilang pag-aaral.
Samantala, sa ika-apat na araw ng pamimigay ng tulong para sa mga naapektuhan ng bagyong #Enteng, dumating ang mga tauhan ng OVP Disaster Operations Center (DOC) sa Barangay Tumana, Marikina City noong ika-6 ng Setyembre.
Pumalo sa 500 pamilya ang nakatanggap ng Relief Boxes (RBs), kung saan 415 dito ay mula sa Muslim Community ng lugar.
Ang mga pamilya ay nakatanggap din ng iba’t ibang grocery packs at canned goods mula sa mga kaibigan at private partners ng OVP.
Ang mga hakbang na ito ng tanggapan ni VP Sara Duterte ay hindi lamang nagpapakita ng agaran at epektibong pagtulong sa panahon ng sakuna, kundi pati na rin ng malalim na pangako sa pagpapabuti ng kalagayan ng bawat Pilipino, mula sa mga biktima ng sunog hanggang sa mga estudyanteng nangangailangan ng suporta para sa kanilang pag-aaral.
54