TARGET NI KA REX CAYANONG
MASASABING ang makabayang diwa ng ating mga kababayan ay nananatiling buhay at maalab sa kanilang walang sawang pagtulong sa komunidad, lalo na ang ating mga lingkod-bayan.
Kamakailan, pinangunahan nina Paniqui, Tarlac Mayor Leonardo “Max” Roxas at Vice Mayor Aida “Bien” Roxas ang isang pagtitipon, kasama sina dating Vice Governor Bogs Aganon, Konsehal Win Corpuz ng Camiling, at Konsehal Dagul Felix ng San Manuel, upang ipamahagi ang mga uniporme para sa mga miyembro ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program sa kanilang bayan.
Sa simpleng seremonyang ito, ipinamalas ang pagpapahalaga ng pamahalaang lokal sa sipag at sakripisyo ng bawat TUPAD worker.
Malaki ang pasasalamat nina Mayor Max at Vice Mayor Bien sa kanilang dedikasyon sa pagtulong at pagsusumikap na magbigay ng kalinisan, kaayusan, at serbisyo sa mga komunidad na kanilang pinagsisilbihan. Ang kanilang pagkilos ay hindi lamang naglilingkod sa pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino kundi nagpapakita rin ng diwa ng bayanihan at malasakit.
Ang mga hakbang tulad ng pamamahagi ng uniporme ay simpleng paraan ng pagpapakita ng pagkilala sa kanilang hirap at sipag. Ito ay simbolo ng kagalakan at pagkakaisa sa layunin ng pagsisilbi sa komunidad.
Ang malasakit nina Mayor Max at Vice Mayor Bien sa mga miyembro ng TUPAD ay patunay ng isang pamunuan na buo ang suporta sa kanilang kababayan.
Sana ay magpatuloy ang ganitong mga programa na nagbibigay ng inspirasyon, pagkakaisa, at kaginhawaan sa ating mga kababayan.
Samantala, habang patuloy ang walang patid na pagbuhos ng ulan dulot ng Bagyong Kristine, muling ipinakita ng ating mga kababayan ang diwa ng bayanihan sa Quezon City.
Sa Barangay Balingasa Covered Court, walang pagod na nagsama-sama ang mga kawani ng barangay, sa pangunguna ni Kapitana Tess Montalbo at mga kagawad, upang tiyakin ang maayos na pamamahagi ng food packs. Kasama rin sa nasabing pagtulong ang magpinsang sina Cong. Arjo Atayde at Gab Atayde, na personal na naghandog ng ayuda sa mga nangangailangan. Ang bawat meal pack at bote ng tubig ay simbolo ng pagdamay at pagpapahalaga ng komunidad sa kanilang mga kababayan.
Ang ganitong malasakit sa panahon ng sakuna ay nagpapatibay ng loob ni Cong. Arjo at nagtuturo ng kahalagahan ng pagkakaisa sa panahon ng kalamidad.
Ang relief efforts gaya nito ay hindi lamang nagbibigay ng kaginhawaan sa pisikal na pangangailangan kundi nagbibigay rin ng pag-asa at inspirasyon sa lahat ng naapektuhan.
Mahalaga na sa bawat pag-ulan at bagyong dumaraan, lagi nating pinipiling maging bukas-palad at handang tumulong gaya ng ginagawa nina Cong. Arjo at Gab Atayde.
Mag-ingat po tayong lahat at patuloy tayong magkaisa sa pagkilos para sa kapwa!
38