TULONG NINA PBBM, VP SARA HINILING NG 30 RESIDENTE

PUNA ni JOEL AMONGO

NAKATANGGAP ng tawag ang PUNA mula sa mga residente ng Sitio Anting at Accun ng Brgy. Malasin, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya hinggil sa kanilang reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing lugar.

Mistulang pipi at bingi sa kanilang hinaing ang mga opisyal ng Dupax del Norte, DENR-CENRO sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay Avelyn Lustre, tagapagsalita ng Malasin Ecology Balancers Group Association, Incorporated, na may aktibong miyembrong 30 residente ng Sitio Anting at Accun, Brgy. Malasin, nagkaroon sila ng memorandum of agreement (MOA) noong 2001-2002 para sa Tree For Legacy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamumuno ni retired City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Rolando Valdez.

Nasa 30 hanggang 50 ektaryang lupain ang ipinagkatiwala sa kanila ng DENR-CENRO para taniman at pagyamanin ito.

Nang napaganda na at napayabong ng mga residente sa iba’t ibang pananim ang lupain ay may mga lumutang na nagpapanggap na mga may-ari nito.

Kabilang sa mga claimant ay sina Marlyn Valderas, Susan Bungubong Valderas, Genoveva Valderas, Charleen Tito Runes, Valerie Runes Garcia at Trinidad Valderas mula sa Bayombong, Nueva Vizcaya na maraming beses na nilang nakaharap sa pagdinig sa Brgy. Anting at Local Government Unit (Dupax).

Wala raw ipinakikitang titulo ang mga ito na magpapatunay na sila nga ang nagmamay-ari ng lupain,

Ano ‘yan, lakasan lang ng koneksyon? Kawawang mahihirap!

Sinabi ni Ginang Lustre kay Valderas na kung may maipakikita ito sa kanila na titulo bago i-award sa kanila ng DENR-CENRO ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay at sinasaka, ay kusa silang aalis dito, subalit kung ang kanilang titulo ay ginawa lamang pagkatapos ng 2001-2002 ay hindi sila aalis sa lugar.

Binanggit din ni Ginang Lustre na nasa 35-taon nang naninirahan at nagtatanim ang kanyang mister sa nasabing lupain tapos ngayon ay may biglang lulutang na nagsasabi na sila ang nagmamay-ari nito, hindi raw sila makapapayag.

Minsan na ring inilapit nila Ginang Lustre ang kanilang problema kay Mayor Timothy Joseph Cayton ng Dupax del Norte ngunit sa halip na tulungan sila ay sinabing kumuha na lamang sila ng kanilang abogado para magtanggol sa kanila.

Imbes na tumulong sa mga residente ng Sitio Anting at Accun ng Brgy. Anting ang mga opisyal ng nabanggit na bayan ay nakikialam pa ang ilang empleyado ng Assessor’s Office sa kanila sa pamamagitan sa pagtanggal ng kanilang mga mohon.

Mas pinapaboran din ng DENR-CENRO si Marlyn Valderas sa pagsasabi sa mga residente na bibigyan na lamang sila ng pagtitirikan ng kani-kanilang mga bahay sa lugar.

Ang mga apektadong pamilya ay nagmamakaawa kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Pangalawang Pangulo Inday Sara na tulungan sila dahil wala silang mapupuntahan at mawawala ang kanilang pinaghirapang mga pananim at naipundar sa lugar.

Kawawang mga pobre, napagkakaitan ng kanilang mga karapatan na manahimik sa kanilang kinalalagyan, lagi silang binubulabog ng mga tao na may pera.

Sa ganang akin, kung talagang may may-ari ang lupaing ito, bakit ito ipinagkatiwala ng dating DENR-CENRO na si Valdez at nag-isyu pa siya ng mga dokumento sa mga tao?

Kung totoo man na ang mga nag-aangkin sa mahigit kumulang 50 ektaryang lupain ay naisyu sa kanila ang titulo pagkatapos na mai-award sa mga residente noong 2001-2002, ay may malaking problema ‘yan na dapat ipaliwanag ng DENR-CENRO.

Sinikap po ng PUNA na kontakin ang mga binanggit nating personalidad sa kolum na ito, subalit wala po tayong nakausap sa kanila.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

134

Related posts

Leave a Comment