TULONG PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG MINDORO OIL SPILL

OPEN LINE ni BOBBY RICOHERMOSO

BASE sa pinakahuling mga ulat ay umabot na sa mahigit 19,000 residente ng Oriental Mindoro ang apektado ng oil spill galing sa lumubog na tanker na MT Princess Empress.

Matatandaan na lumubog ang nasabing sasakyang pandagat noong Pebrero 28 sa karagatan sa pagitan ng Marinduque at Oriental Mindoro habang may kargang 800,000 litro ng industrial fuel.

Ang bilang ng mga residenteng naapektuhan sa Mindoro ay ayon kay Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, na nagsabi rin na naghahanda na ang kanilang departamento ng mga kinakailangang tulong para sa mga naapektuhang residente partikular na ang mga mangingisda.

Aniya, simula sa Marso 15 (Miyerkoles) ay uumpisahan na nila ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng tinatawag na cash-for-work program, bukod sa food relief para sa mga biktima.

Sa ilalim ng cash-for-work program ay makatatanggap ang mga residente ng P355 kada araw sa loob ng 15 araw, kapalit ng pagtulong nila na linisin ang oil spill sa clean-up drive na pamumunuan naman ng Department of Environment and Natural Resources.

Naghahanda na rin ang DSWD ng ilan pang programa upang matulungan na makabangon ang lalawigan mula sa epekto ng oil spill.

Mabuti naman at mabilis na kumikilos ang DSWD at iba pang mga ahensya ng pamahalaan para maaksyunan at mabilis na mahatiran ng tulong ang mga apektadong mamamayan.

Pero sana naman ay hindi lamang mga taga Oriental Mindoro ang matulungan ng pamahalaan kundi maging ang mga residente rin ng iba pang mga lalawigan na apektado na rin ng pagkalat ng langis sa karagatan.

May mga ulat kasi na umabot na rin sa iba pang lalawigan gaya ng Marinduque at maging hanggang sa Palawan, ang pagkalat ng langis mula sa MT Princess Empress.

At dahil sa patuloy na pagkalat ng langis ay apektado na rin ang mamamayan doon partikular ang mga mangingisda na hindi na ngayon makapalaot dahil na sa maruming karagatan.

Sinabi ng Philippine Coast Guard na partikular na naabot na rin ng kumakalat na langis ang Barangay Casian sa Taytay, Palawan at maging ang karagatan ng Marinduque.

Kung hindi agad maaapula ay maaari ring marating ng pagkalat ng langis ang lalawigan ng Romblon kung hindi pa man ito naaabot, habang isinusulat ang kolum na ito.

Ang distansya sa pagitan ng Taytay, Palawan at Naujan, Oriental Mindoro kung saan lumubog ang tanker noong Pebrero 28, ay umaabot sa 159 nautical miles o katumbas ng 295 kilometers.

Kaya naman nananawagan tayo kay Sec. Gatchalian at maging sa iba pang mga lider ng pamahalaan, na bigyang pansin at tulong din ang mga mangingisda mula sa iba pang mga lalawigan na naapektuhan ng pagkalat ng langis.

Anomang tulong na maipapaabot kasi ng pamahalaan sa mga nahihirapan nating mga kababayan na apektado ng pagkalat ng langis, ay malaking bagay na para sa kanila para mairaos ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay.

Abangan!

 

52

Related posts

Leave a Comment