Kamakailan ay idineklara ang buong probinsya ng Cebu at ang Occidental Mindoro na under a state of calamity dahil sa tagtuyot na dala ng El Niño. Sa kabuuan, nasa pitong probinsya na ang nasa state of calamity sa buong kapuluan kabilang ang North Cotabato, Zamboanga Sibugay, Davao del Sur, at ang mga siyudad ng Zamboanga at Pagadian.
Para sa Bayan Muna, dapat pabilisin ang paghahatid ng tulong sa ating mga magsasaka sa lalong madaling panahon, dahil malaki at malawak na ang epekto nito sa buhay at kabuhayan ng maraming magsasaka. Ayon sa mga ulat, nasa P1.2 bilyon na ang pinsala sa mga tanim, kalakhan ay palay at mais.
Ani Bayan Muna Chairman Atty. Neri Colmenares, kailangan na kagyat na mapalitan ang kanilang pananim at mabigyan din ng relief na pagkain. Huwag na sanang hintayin pa na magprotesta ang mga magsasaka, tulad ng nangyari sa Kidapawan noong 2016, kung saan pinagbabaril ng mga security forces ang mga gutom na magsasaka.
Ang isa pang inaalala ng Bayan Muna ay ang paggamit sa tagtuyot sa partisan politics, at maging sa programa ng gobyerno sa counter-insurgency. Maaaring may mga ‘epal’ na politiko na nakapaskil ang mga mukha sa mga food packs o kaya’y gamitin ang poder at pera ng bayan para mamigay ng pera. O di kaya, magkaroon ng ‘food blockade’ sa mga lugar na itinuturing na hotspot ng rebelyon. O kaya nama’y kuhanan ng larawan ang mga kawawang magsasaka at sabihing sila ay rebel surrenderees o piliting sumama sa Cafgu.
Ang kalamidad ngayon ay lalong nagpapahirap sa hikahos nating mga magsasaka, huwag sanang gamitin ito para mas lalo pa silang pagsamantalahan. Ang ating mga magsasaka, sa kabila ng kawalan ng suporta ng gobyerno at pinapatay pa ng importasyon, ay siyang nagpapakain sa atin lahat. Dapat lamang natin silang kalingain at bigyan ng pansin. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
304