BISTADOR RUDY SIM
NAGING paboritong sawsawan na ng ilang mga pulitiko sa ating bansa ang isang ahensya ng ating pamahalaan na kung ating titingnan ay masyado nang bugbog at halos hindi na makabangon dahil sa patuloy na paninira sa pangalan ng ahensya na hindi naman nararapat.
Sa nakaraang mga pagdinig sa Senado sa umano’y katiwaliang nangyayari sa Bureau of Immigration (BI) ay iba’t ibang kuwento ang ating narinig na may kinalaman sa katiwalian na sa mata ng taumbayan ay agad nang nahusgahan ang BI at hindi nabigyan ng patas na pagdinig upang ipagtanggol ang ahensya.
Maraming senador ang ginagamit ang pagiging makabayan “kuno” na nais nilang makapaglingkod sa pamahalaan pero sa likod ng anino nito ay isang pansariling balakin upang paniwalain ang publiko upang sila’y maging mabango at muling makasungkit ng mas mataas na posisyon sa mga susunod na eleksyon.
Lingid sa kaalaman ng publiko ay maraming kawani ng BI ang labis na nasasaktan at nakararanas ng diskriminasyon, maging ang kanilang mga anak na iisa ang bukambibig na katanungan, bakit sa dami ng ahensya ng pamahalaan ay ang BI lagi ang paboritong siraan?
Sa aking matagal na karanasan bilang mamamahayag sa BI, na 33 years na rin, ay isang magandang alaala ng aking karanasan sa ahensyang ito na halos naging tahanan ko na rin, dito ako natutulog sa media office noong dekada 90 nang ako ay nagsisimula pa lamang sa larangan ng pamamahayag. Marami na akong nasaksihan dito na kuwento kaya’t ramdam natin ang hinanakit ng maraming kawani dito na huwag gamitin ang BI sa pansariling interes para lamang magpabango sa mga tao.
Marahil ay marami sa mga baguhang opisyales at tauhan ng BI ang hindi na inabot ang kwento ng kaso ng “11 Indians” na sumabog noong 1994 na gumiba at yumanig sa ahensya na nagresulta sa pagkakasibak ng noo’y commissioner na si Atty. Zafiro Respicio dahil sa napirmahan nitong self-deportation order ng Indian nationals na nahuling gumagawa ng ilegal na droga na kung tawagin ay “madrax”, ng mga ahente ng NBI.
Mismong ako ay nasaksihan ko na ang nagpapirma ng dokumento ni Respicio sa mismong araw ng kanyang kaarawan, ay may taong mas mataas sa kanya sa pamahalaan na siyang pinaniniwalaang kasabwat ng sindikato, ngunit hanggang sa makasuhan ang mga inosenteng opisyales ng BI at NBI, ay lusot sa kaso ang mga totoong may kasalanan.
Isa lamang itong halimbawa kaya ko ito muling naisulat sapagkat kung nangyari noon na ang sinibak at kinasuhan ay mga taong walang kasalanan, ay maaaring itong maulit muli. Ang maruming sistema sa ahensya ang dapat baguhin at hindi ang ahensya na gamit na gamit na sa maraming panahon ng mga pulitiko.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
