MABILIS ang liderato ng Philippine National Police (PNP) lalo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamununo ni PMajGen Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa pagbibigay ng parangal at kahit simpleng tapik sa balikat sa members nito ‘for a job well done.’
Subalit, ganoon din kabilis ito sa pagdidisiplina ng police scalawags na hindi na natuto sa mga naunang nangyari sa kanilang mga kasamahan na nasangkot sa krimen at ilegal na droga.
Kamakailan lang, nasakote ng Valenzuela City police sa pamumuno ni chief PCol Carlito Gaces etong si ‘high-value target/drug pusher’ Patrolman Jun Ruado Acosta, 42, na assigned sa Northern Police District (NPD) pati ang live-in partner nito at dalawa pang kasamahan sa isang buy-bust ops sa MacArthur Hiway, Malinta.
Hinggil naman kay Acosta, sinabi ni NPD director PBrigGen Rolando Anduyan: “We won’t allow such illegal activity to go on and he’ll face both administrative and criminal charges.”
Aniya, bahagi ito ng internal cleansing sa kapulisan at mayroon pang mga masasampolan na mga bugok na parak sa mga darating na araw.
S’ympre, hindi pinalampas ni NCRPO director PMajGen Eleazar ang insidente na hindi n’ya makompronta si Acosta sabay ng kanyang reminder sa ilang tiwaling pulis na tumigil na sa kanilang illegal activities dahil siguradong masasakote rin sila sa tamang panahon.
Delaying tactics pinangangambahan sa Dengvaxia case
Patuloy na nagngingitngit ang mga pamilya ng mga batang nangamatay dahil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccines dahil nararamdaman nila ang delaying tactics ng kanilang mga kinasuhan na dapat ay patuloy nang umusad upang kanila nang makamit ang hustisya.
Nauna nang pinagsumite ng State Prosecutors ang mga personalidad na sinampahan ng kaso sa Department of Justice ng kanilang counter-affidavits subalit hindi pa rin naka-comply ang mga ito sa kabila ng deadline na binigay sa kanila nitong nakaraang linggo, bagay na ikinauns’yame ng mga naghihinagpis na pamilya.
Ani Public Attorney’s Office (PAO) chief Percida Rueda-Acosta, hindi masisisi ang mga magulang sa kanilang mga pagdududa dahil normal na maghangad sila ng mabilis na pagresolba sa kaso para sa hustisyang kanilang matagal nang hinahangad.
May mga sapat na ebidensya ang PAO, na siyang todong nakasuporta sa mga pamilya. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
132