TUMATAAS KASO NG HIV SA PILIPINAS

EDITORIAL

NAKAAALARMA ang tumataas na kaso ng HIV sa Pilipinas.

Ayon kay DOH chief Teodoro Herbosa, may average na 55 indibidwal ang nasusuring may HIV sa bansa kada araw, at mas nakatatakot aniya na maraming kabataan – ang pinakabata ay 15 anyos- ay nasuring may HIV.

Hindi na nakamamatay ang HIV dahil sa antiretroviral drugs (ARVs) na tumutulong na maging normal ang buhay ng may HIV, ngunit ang menor de edad na positibo sa impeksyon ay kailangang may pahintulot ng magulang para makakuha ng ARVs.

Ang human immunodeficiency virus (HIV) ay umaatake sa immune system ng katawan, at kung hindi gagamutin ay maaaring humantong sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ang mababaw at hindi sapat na edukasyon at kahihiyan ang ilan sa mga tinitingnang dahilan kaya tumataas ang bilang ng may HIV infections.

Ayon kay Herbosa, ang ilang minor na nangangailangan ng gamot sa HIV ay bantulot sa pagkuha ng pahintulot ng mga magulang dahil mabubunyag ang kanilang kasarian. Kaya bumabalik ang mga ito kapag 18 taong gulang na at mayroon nang AIDS.

Paliwanag ng kalihim, ang AIDS ay late stage ng HIV infection, na makukuha ninoman sa pamamagitan ng walang proteksyong sex, mother-and-child transmission, o paggamit ng parehong panturok.

Nitong Marso 2024, sinabi ng DOH na mayroong 1,224 bagong HIV infections. Mayroong 122,255 katao ang may HIV sa Pilipinas, subalit 64 percent o 78,633 nito ang sumasailalim sa antiretroviral therapy.

Sa inilabas ng Department of Health (DOH) na datos mula sa HIV & AIDS and antiretroviral therapy (ART) Registry of the Philippines (HARP), lumabas na mula 1984 hanggang Marso 2024 ay may naitalang 129,772 cumulative diagnosed cases HIV.

Maaaring umabot ang kaso ng HIV sa bansa sa 500,000 sa loob ng 6 taon.

Maganda ang plano ng DOH na gawing mainstream o bahagi ng primary healthcare services ang HIV screening at treatment.

Ang ARVs ay maaari lang ibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng state insurer PhilHealth.

Dapat isulong din ng gobyerno na maging available ang ARV sa pribadong sektor.

Ang isa sa pinakaimportante ay imulat ang publiko, lalo ang mga kabataan sa kaalaman at prebensyon ng naturang sakit.

Kahihiyan at ayaw mabuko ang pagkatao ang ilang rason kaya hindi nagpapasuri ang iba kaya mahalaga ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa HIV at kung paano maalis ang sinasabing stigma na kasama nito.

Mahalaga ang sexuality and reproductive health education, at maaaring magsimula ito sa pamilya. Importanteng matutunan kung paano protektahan ang sexual health.

50

Related posts

Leave a Comment