TUNAY NA DAHILAN NG MGA KAPALPAKAN SA LTO

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

KABI-KABILA na naman ang mga problema at ­kontrobersya na bumabalot sa Land Transportation ­Office (LTO).

At siyempre kapag may problema ang mismong ahensya, tiyak na malaki rin ang epekto nito sa publiko.

Partikular na ­apektado ang daang libong mga nagre-renew ng mga lisensya

at ­nagrerehistro ng mga ­sasakyan nila at kailangang pagsilbihan ng tanggapan araw-araw sa buong bansa.

Sa ngayon, ang isa sa malalaking mga problema sa LTO ay ang napakabagal na pagproseso ng mga transaksyon dala ng napakabagal na internet connectivity.

At dahil nga may kinalaman ito sa ­interconnectivity system ng bawat sangay ng ahensya, ay mabilis ang bagong upo na si LTO Chief Teofilo Guadiz na ibunton ang sisi sa German company na Dermalog, ang kanilang kasalukuyang information technology provider.

Pero kasalanan ba talaga ng Dermalog ang ­kasalukuyang mga problema na bumabalot sa LTO?

Sa unang tingin ay dapat nga silang sisihin dahil sila ang IT provider at tungkol sa Land Transportation ­Management System (LTMS) na kanilang ginagamit sa ahensya, ang may mga isyu at problema.

Pero kung pag-iisipang mabuti ay lumalabas na may iba pang mga dahilan kung bakit nagkakaproblema sa LTO ngayon at malaki ang posibilidad na may kaugnayan ito sa sabotahe.

Ayon kay Atty. Nikki De Vega na siyang itinalagang spokesperson ng Dermalog, gumagana nang maayos ang kanilang LTMS na naka-disenyo upang mapadali at mapagaan ang proseso ng pagrerehistro ng sasakyan at renewal ng lisensya, dahil lahat ng ito ay magagawa na sa online.

Ang maganda pa sa LTMS ay libre ito kaya nawala na ang sinisingil ng dating IT provider ng LTO na computer processing at upload fees na malaking kabawasan sa ­binabayaran ng publiko.
Dahil libre nga ito ay naka­titipid ang publiko ng bilyon-bilyong piso kung susumahin sa mga bayarin taon-taon.

Kung okay naman pala ang LTMS ng Dermalog ay ano ba talaga ang dahilan ng pagbagal ng mga transaksyon sa LTO?

Lumalabas sa pagsusuri ng management information division ng LTO at maging ng kanilang IT consultants, na walang kinalaman ang Dermalog sa pagbagal ng interconnectivity sa ahensya.

Ang tunay na dahilan ng problema ay sapagkat may mga computer ang LTO na hindi galing sa Dermalog, ang nagagamit pala ng ilang “maayos” na empleyado nila sa pag-download ng mga programa na hindi dapat at ginagamit nila sa kanilang mga raket.

Ang resulta ay nagka-clog ang network na nakaka­apekto at nagpapabagal sa daloy ng impormasyon sa iba’t ibang sangay ng ahensya maliban pa sa napasok na rin ng malware o mga virus ang sistema.

Kaya naman ang solu­syon na naisip ng Dermalog ay paigtingin ang kanilang mga firewall at bawat isang computer ay may angkop na anti-virus system at tiyakin na bawat empleyado na hahawak ng mga computer ay gagamitin lamang ito sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang trabaho.

Dahil sa pangyayaring ito, lumalabas na mukha yatang dapat mag-sorry si Guadiz sa Dermalog dahil lagi niya itong sinisisi sa kapalpakan sa ahensya gayong ang mga tauhan pala naman niya ang may kasalanan.

17

Related posts

Leave a Comment